Ate Guy, nilantad ang mga kagagahan kay Pip!

Boy Abunda at Nora Aunor

Nakakatuwa si National Artist, Superstar Nora Aunor sa interview sa kanya ni Boy Abunda, sa kanyang Fast Talk with Boy Abunda sa GMA 7, dahil hindi niya inilihim at inamin niya ang tungkol sa nakaraan nila ng first ka-loveteam niya noon, si Tirso Cruz III, now Chairman ng Film Development Council of the Philippines. Halata pa nga ang kilig ni Ate Guy habang ikinukuwento ang mga “kagagahan” daw niya kay Pip na minahal niya noon talaga, na kapag nag-aaway sila ay naglalasing siya at tumatambay, nagbabantay sa harap ng bahay nito sa New Manila, at inuumaga siya roon, (kasama ang mga Guy & Pip fans). (Personally naming alam iyon dahil kami ang pro noon ni Pip) .

Totoo rin ang mga kuwento niya tungkol sa mga “himalang” nangyari sa buhay niya, na naligtas siya sa mga muntik na niyang kamatayan. Siguro nga raw ay hindi pa tapos ang misyon niya sa buhay, kaya kahit nabibingit siya sa kamatayan ay nakaliligtas pa siya. Kaya naman si Ate Guy, ay tuluy-tuloy pa rin ang pagtanggap niya ng trabaho, at umuuwi pa rin siya sa Bicol dahil inaasikaso niya ang mga lupain niya roon.

Dennis, pinalakpakan sa huling eksena sa Maria Clara…

Very touching ang finale scene ng historical fantasy portal series na Maria Clara at Ibarra, na death scene ni Crisostomo Ibarra/Simoun, played by Kapuso Dramatic Actor Dennis Trillo.  After the take, pinalakpakan si Dennis ng lahat ng co-actors niya, production staff, niyakap pa siya nina Direk Zig Dulay, David Licauco, at si Barbie Forteza, nagpapahid pa ng luha habang kinakamayan si Dennis. Nag-post si Dennis ng pasasalamat sa lahat ng mga netizens na sinubaybayan at hindi binitiwan ang serye, na magtatapos na this Friday, Feb. 24.

“Nais kong ibahagi ang mga kaganapan sa pagtatapos ng ­aking huling eksena, sa maituturing kong isa sa pinakamakabuluhan at importanteng proyektong kinabibilangan ko. Nais kong magpasalamat nang buong puso sa bawat tao na naghirap para pagandahin ang programang ito, at siyempre walang tagumpay kung wala ang mga tumatangkilik. Salamat sa iyo, na minahal at naglaan ng oras para panoorin ang palabas, tenkyu, mahal ko kayo, hanggang sa muli.”

Nagpasalamat din ang GMA sa netizens dahil last Monday, Feb. 20 ay gabi-gabi nang nagti-trending at nakakuha ng mataas na rating ang serye laban sa kanilang katapat na show. Ang pinakahihintay ng netizens sa finale ay kung tatanggapin ni Fidel (David) ang alok ni Klay (Barbie) na sumama siya sa kanya sa modern world. #MCI 8 p.m. gabi-gabi sa GMA 7.

Show comments