'Namatay ako 3 minuto': Nora Aunor sa pagbaba ng oxygen sa kanyang katawan
MANILA, Philippines — Ilang beses nang nameligro ang buhay ni "Superstar" Nora Aunor, kanyang pagbabahagi — ang huli rito, kanyang ikinasawi raw ng tatlong minuto matapos dalhin sa intensive care unit kamakailan.
Sinabi niya ito nitong Lunes sa katatapos lang na panayam ng "Fast Talk with Boy Abunda" dahil daw sa pagbaba ng oxygen ng kanyang pangangatawan.
"Hindi ko alam kung puwede kong sabihin kasi namatay na ako ng three minutes. Itong mga nakaraan lang, ngayon ko lang sasabihin ito. Kasi 'yung nangyari noon, hindi ba nagkakasakit ako? Lalabas ako ng gabi, madaling araw dadalhin na naman ako sa ospital," ani Nora.
"So may insidente na sabi ko, 'Halika na kasi bumababa 'yung oxygen sa katawan.' So punta ako sa ospital, sabi ko, 'Oxygen lang po ang kailangan ko.' Ang nangyari, hindi ko alam, walang tumulong, hindi minadali na lagyan ako ng oxygen, ang nangyari humiga ako, hindi ko na alam ano ang nangyari. Paggising ko, nandoon na ako sa ICU."
Aniya, may nagsabi sa kanyang swerte siya at mahal siya ng Diyos dahil sa pinagdaanan nito lamang.
Hunyo 2022 lang nang hirangin bilang Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) si Ate Guy, na siyang pinakatanyag para sa pelikula niyang "Himala." Ang hindi niya alam, ilang himala ang kanyang pagdaraanan para manatiling buhay ngayon.
"'Siguro 'yung misyon mo ay hindi pa tapos, mayroon pang dapat na gawin sa mundo.' 'Yun lang ang laging sinasabi sa akin ng mga kaibigan ko," banggit pa niya.
"Ito hindi talaga alam ng mga tao pero sorry po napag-usapan. Hindi naman siguro masama na sabihin ko sa inyo ang totoo na 'yon talaga ang nangyari sa akin."
Humingi rin siya ng tawad sa kanyang "Noranian" fans dahil sa nangyari. Noong nakaraang taon lang nang isailalim sa gamutan ang aktres dahil sa paghina ng kanyang baga, maliban pa sa ilang komplikasyon.
Dalawa pang 'himala'
Bagama't sinabi niya noon sa tanyag niyang pelikula na, "Walang himala," lumalabas na dalawang ganito pa raw ang kanyang pinagdaanan maliban sa panandaliang pagpanaw.
Dati na raw siyang nakaligtas sa isang aksidente sa kotse habang ginagawa ang kanyang career-defining movie.
"Ang sabi nila, nagdasal na sila. Kasi sabi nila patay na ako... Ang nangyari pala, 'yung salamin sa harapan, natanggal sa sasakyan pero buo, hindi nabasag," dagdag pa niya.
"'Yung manibela naman, imbes na tamaan ako sa dibdib, lumihis 'yon sa akin. So wala talaga, wala akong naramdamang sakit. Ang naramdaman ko lang 'yung nauntog 'yung ulo ko sa may bintana."
Bukod pa riyan, nawalan siya noon ng boses dahil sa isang operasyong na kanya namang nalampasan. Kilalang mang-aawit noon si Nora maliban sa pag-arte.
Matapos mawala sa pinilakang-tabing, magbabalik-pelikula ang legendary actress sa kung saan makakasama niya ang mga kaindustriyang sina Alfred Vargas at Gina Alajar.
Ilang buwan pa lang ang nakalilipas nang maging kontrobersyal si Nora matapos kompitensyahin ang sariling anak na si Matet de Leon sa kaparehong negosyo.
- Latest