Vice Ganda, mas pinili ang kaligtasan

Vice
STAR/ File

Kamakailan ay muling pumirma ng eks­klusibong kontrata si Vice Ganda sa ABS-CBN. Ipinagtapat ng Unkabogable Phenomenal Superstar na ilang taon siyang hindi pumirma ng kontrata sa Kapamilya network. “Sayang pa ‘yung tinta. Kasi nandito naman ako. Hindi natin kailangan ng kontrata. Parang nakapirma na ‘yung puso ko dito. ‘Yung paa ko eh nakabaon na dito sa bahay na ito,” nakangiting pahayag ni Vice.

Maraming artista ng ABS-CBN ang nag­lipatan sa ibang TV networks mula nang mawalan ng prangkisa ang kumpanya. Mas pinili umano ni Vice na manatili sa bakuran ng Kapamilya network dahil alam niyang mas ligtas siya rito. “It’s unsafe outside. I’d rather be here inside my home. This is the perfect and safest place for me. Dito sa ABS-CBN, safe na safe ako,” dagdag pa niya.

Isang malaking karangalan para kay Vice na sa loob ng halos labinglimang taon ay pinagkakatiwalaan pa rin siya ng ABS-CBN. “Ang sarap-sarap lang na pinipili n’yo ako. Salamat sa pagpili n’yo sa akin. Ang dami n’yo namang pwedeng pagpilian. Ang daming choices and options. Sa dami ng sumusulpot, umuusbong na mga bagong nakikilala, pero ako pa rin ‘yung gusto n’yo. ‘Yung pintong binuksan n’yo sobrang laki ng pinto na ‘yon. Dahil ‘yung pinto na ‘yon, nagbigay sa napakaraming tao na masilip ako. No’ng binuksan n’yo ‘yung pinto, hindi lang pinto ‘yung bumukas, puso ng mga tao, napapasok nila ako,” makahulugang pahayag ng komedyante.

Mccoy, sinuwerte kay Coco

Masayang-masaya si McCoy de Leon dahil muling nabigyan ng pagkakataon na makatrabaho si Coco Martin sa FPJ’s Batang Quiapo. Matatandaang nakabilang din noon si McCoy sa FPJ’s Ang Probinsyano. “Masarap sa feeling kasi panibagong blessing ito at saka ibang blessing ito na ibinigay sa akin ngayong taon. Nagpapasalamat din ako kay Kuya Coco talaga. Hindi lang ‘yung tulong na naibibigay niya, kundi pagtulong para ang craft ko ay lalo ko pang mahasa,” bungad ni McCoy.

Ginagampanan ng aktor ang karakter ni David bilang nakababatang kapatid ni Coco sa naturang serye. Pakiramdam umano ni McCoy ay talagang suwerte siya pagdating sa trabaho. “Masarap sa pakiramdam. Si Kuya Coco, isang reason rin talaga niya ay ‘yung resemblance namin. Kaya sobrang swerte po ako na mapili ni kuya,” dagdag niya.

Para kay McCoy ay marami pang kaabang-abang na mga eksena sa kanilang programa. Iba’t ibang istorya ng pamumuhay sa Quiapo ang matutunghayan ng mga manood sa FPJ’s Batang Quiapo. “Siyempre mapasaya ang mga tao talaga at ‘yung maipakita rin ‘yung iba’t ibang istorya lalo na ang mga istorya sa Quiapo,” pagtatapos ng aktor.

(Reports from JCC)

Show comments