Vilma, naglabas ng saloobin kay Boy Abunda!
Tutal naman, napanood na ninyo ang unang bahagi kagabi, at mamaya ay mapapanood na ninyo ang huling dalawang oras ng Anim na Dekada, Nag-iisang Vilma, puwede na siguro naming ikuwento ang ilang inside stories.
Ang isa sa mga questions noon, ay kung tumanggi nga raw ba si Ate Vi (Vilma Santos) na tumakbong Vice President, kahit na tatlong ulit na siyang inalok noon dahil ayaw niyang malampasan ang noon ay senador pa, at ngayon ay Congressman Ralph Recto.
Kung kami ang tatanungin, parang mahirap nang tanungin pa iyon. Pero ang sabi nga ng King of Talk na si Boy Abunda, “taped naman iyan eh, kung ayaw niya maaari naman nating ipa-edit later on. Let’s try.” Itinanong nga niya iyon kay Ate Vi, at iba ang naging dating noon, naikuwento pa ni Ate Vi ang naging feeling niya noong matalo noon sa eleksyon bilang senador ang kanyang asawa, at nanalo siyang governor ng Batangas. Noon lang lumabas ang saloobing iyon ni Ate Vi matapos ang maraming taon. Nagkatinginan nga kami at sabi ng producer na si Chit Guerrero, “Kuya Boy has his ways.”
Noon ding maging guest si Ate Vi sa kanyang programang Fast Talk, nag-research talaga ang King of Talk, nagamit niya ang isang linya ni Ate Vi sa isang pelikula, na nagbigay daan para maitanong niya ang issue tungkol sa anak noong si Lucky Manzano. Napaiyak si Ate Vi, natangay ng emosyon, pero nailabas niya ang kanyang saloobin sa mga bagay na iyon.
“Maaari naman akong humingi ng break kung ayaw niya. Pero nakita ko naman kaya niya at gusto na rin niyang ilabas iyong kanyang damdamin sa mga bagay na iyon,” sabi pa ng King of Talk. Iyon nga lang ang kaisa-isang statement ni Ate Vi sa isyung iyon, na nai-replay ng halos lahat ng newscasts ng Channel 7 at ng GTV. Iyon ding interview na iyon ang kino-quote ng lahat halos ng mga diyaryo, at mga blogger na pumi-pick up lang naman ng istorya sa telebisyon.
Pero na-offend ba si Ate Vi? “No, actually matagal ko nang gustong ilabas ang saloobin ko, naghahanap lang ako ng tamang timing, ng tamang forum, and Kuya Boy just provided for that,” sabi ng nag-iisang Vilma.
Minsan iisipin mo, iba talaga ang King of Talk, Magagawa ba iyan ng iba?
Fast Talk, nakakalikot ang nakaraan ng mga artista
Biglang inamin ni Miguel Tanfelix kung sinu-sino ang female stars na naging syota niya. Wala namang issue, pero lumabas ding bigla iyon sa Fast Talk. Nagkaroon ng iba’t ibang reaksiyon pagkatapos ng sinabing iyon ng male star. Napag-usapan siya ulit kahit na matagal na siyang halos nalimot dahil naipit siya sa isang assignment.
Ngayon ang usapan nga ng mga artista, basta napunta ka sa Fast Talk, aba talk of the town ka talaga sa mga susunod na araw. Nakakalikot kasi ni Boy Abunda ang issues sa isang paraan na siya lamang ang makagagawa sa telebisyon. Mautak din naman ang mga taga-Kamuning. Ngayon hindi lang sa telebisyon napapanood ang Fast Talk, at sa live streaming, on the air na rin siya sa dzBB.
Sino nga ba ang nakagawa ng ganyan? Samantalang iyong iba sinasabing nabubuhay na lang ang showbiz talk sa mga internet streaming.
Kaya nga ang kuwentuhan noong isang gabi, siguro raw ang isa sa pinakamalaking talo ng ABS-CBN, bukod sa pagkawala ng kanilang prangkisa, ay ang naging pag-alis ni Boy Abunda sa kanila at pagtalon sa Kamuning. Natural naman gawin iyon ng King of Talk dahil matagal din naman siyang naghintay na makabalik ang dati niyang network. Ano nga naman ang mangyayari sa kanya kung hindi siya tumalon? Parang hari na walang trono.
Ngayon binawi lang naman niya iyong talagang sa kanya.
- Latest