Hindi pa nakapagtatapos ng kolehiyo si Marlo Mortel dahil kinailangang magtrabaho nang mabuti para sa pamilya. Ang aktor ang nagtaguyod sa kanyang mga mahal sa buhay sa loob ng isang dekada. 4th year college na noon si Marlo sa kursong Business Administration nang kinailangang tumigil sa pag-aaral upang maging breadwinner ng pamilya. “I didn’t graduate. I really want to study. Gusto ko pa ring matuto. Ako talaga ang nag-sustain sa buong pamilya namin for the past decade,” bungad ni Marlo.
Binalak ng aktor na tapusin ang kurso noong nagkaroon ng pagkakataon. Ikinagulat lamang daw ni Marlo dahil may mga pagbabago na sa school curriculum. “Nag-change daw noong 2016. So I couldn’t go back to my previous school. With the help of Star Magic, I now have a scholarship in Enderun. I’m very grateful sa partnership na ‘yon at napili ako to be one of the scholars,” pahayag ng binata.
Noong kasagsagan ng pandemya ay nakaranas ng anxiety si Marlo. Mayroong mga trabahong iniwan ang aktor dahil hindi na raw maayos ang kalagayan ng kanyang mental health. “Marami akong iniwan kasi hindi makapag-function ‘yung katawan ko because of my brain. I didn’t know what’s happening to me. ‘Yon pala anxiety,” pagbabahagi niya.
Dahil sa mga naranasan ay naisipan ng aktor na kumuha ng online course na neuroscience. “I had to help myself. I had to find something that would help me maintain my sanity. I wanted to find out scientific facts behind what was happening to me. Natutunan ko na it was just really the chemical imbalances, the trauma as a kid. Na-cripple man ako, ang gusto ko ay matuto sa akin ‘yung mga tao at matuto din ako sa mga experiences nila,” pagtatapos ng aktor.
Lara, pinag-aralan ang mga galaw ni Charo
Naging bahagi si Precious Lara Quigaman ng unang episodes ng FPJ’s Batang Quiapo na pinagbibidahan ni Coco Martin. Ang beauty queen-actress ang gumanap para sa back story ng karakter ni Charo Santos-Concio bilang si Tindeng. Isang malaking karangalan umano kay Lara na mahirang para sa bagong proyekto ng ABS-CBN. “Isang karangalan ang maging parte ng Batang Quiapo. Maraming salamat po sa lahat ng nagsabi na napakagaling po ng eksena namin,” nakangiting bungad ni Lara.
Bilang paghahanda sa role ay kinailangan daw talagang aralin ng aktres ang mga galaw at istilo ng pagsasalita ni Charo. “Actually, I came in to the set na dahil alam kong batang Charo ako, pinanood ko talaga ‘yung iba niyang naging eksena sa iba niyang mga palabas. Pero pagdating ko, sabi sa akin ni Direk Malu (Sevilla), ‘Hindi, huwag mong gayahin ‘yon. Kailangan magaspang, kailangan ‘yung boses mo nakikiskis ‘yung lalamunan mo.’ Siguro medyo nadala ko pa rin ‘yung paggaya siyempre kapag madam. So gano’n po siya, pati mga hand gestures, tina-try ko pa din na kopyahin,” ng Miss International 2005. (Reports from JCC)