Nag-eemote pala ang aktres na si Ella Cruz dahil parang nawawala raw siya sa ‘karugtong’ ng Maid in Malacañang kung saan na-bash bash siya dahil sa statement na ‘history is like chismis,’ sa Martyr or Murderer na ikalawang yugto ng obra ni Direk Darryl Yap.
Dahil pala sa natanggap niyang bashing doon ay nagkaroon ng medical emergency ang kanyang ama. Ito diumano ang matinding naapektuhan sa lumaking kontrobersya ng pagkukumpara sa history at chismis.
Anyway, ipakikita raw sa Martyr or Murderer ang nangyari sa pamilya Marcos bago at matapos ang EDSA Revolution na isang pasilip sa kanilang “life in exile” at ang talakayan tungkol sa mga kontrobersya na kinasangkutan ni Imee Marcos sa Morocco.
Nais din umanong magbigay ng mga kasagutan ang pelikulang ito sa mga walang-katapusang katanungan tungkol kina Pangulong Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos at ang kanyang pinakamatinding katunggali, si Senador Benigno Simeon Aquino, Jr.
Nagbabalik sina Cristine Reyes, Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Diego Loyzaga, at Ella Cruz bilang Imee Marcos, Ferdinand Marcos, Imelda Marcos, Bongbong Marcos at Irene Marcos.
Si Isko Moreno ang gumaganap na Ninoy Aquino. Ang batang Ninoy ay si Jerome Ponce.
Kasama rin sa cast sina Marco Gumabao bilang batang Marcos Sr., Cindy Miranda bilang batang Imelda, Elizabeth Oropesa, at Beverly Salviejo bilang mga kasambahay ng kanilang pamilya, at si Rose Van Ginkel bilang Maricar, ang kaibigan ni Imee sa in Morocco.
Mapapanood ito sa mga sinehan nationwide simula March 1.