Wagas ang panunumbat ng TV host na si Willie Revillame sa mga taong diumano’y natulungan niya pero ngayon ay binibira-bira siya pagkatapos na mawala sa ere ang programa niyang Wowowin.
Nanggagalaiti ang TV host sa kanyang programa at talagang aaraw-arawin niya raw ang mga ito.
“Hindi na ako matatakot sa inyong lahat! Laban na ito kung laban. Masyado n’yo na akong inaapi. Masyado n’yo na akong sinasaktan. Hindi ako susuko sa inyo,” umpisa niya.
“I-vlog n’yo ako bukas! Pagtulung-tulungan n’yo ako, hindi ako natatakot! ‘Yun ang gusto n’yo? Okay lang, sige!
“Tirahin n’yo ako araw-araw, minu-minuto, I don’t care! Kayo ang may utang na loob sa akin! Hindi ako! Tandaan n’yo ‘yan sa buhay n’yo!,” banggit pa nito na lutang ang nararamdamang galit.
“Bukas! Kahit ngayon, i-vlog n’yo ako. Araw-araw ko rin sasabihin kung sino kayo! At sasabihin ko ang mga pangalan ninyo, in time! Kung sino kayo!,” pagbabanta pa ng TV host na ngayon ay sa YouTube na lang napapanood ang kanyang game show.
“Meron lang ho ako maikuwento. Alam n’yo, maraming mga naglalabasan ngayon na medyo talagang winawasak ang pagkatao ko, sinisiraan.
“Maikuwento ko lang sa inyo, meron akong mga taong minahal at tinulungan. May binigyan ako na isang unit dito (Wil Tower). Unit ng condominium, binigyan ko pa ng kotse.
“Malapit ho sa akin ‘yan. Sinabihan pa ako na mayabang ngayon. Isipin n’yo ang mga ginagawa sa akin ng mga taong ‘yan. Uulitin ko po, ‘yan. Totoo ‘yan! Bukas iba-bash n’yo ako? Bukas, sasabihin ng lahat, mayabang!
“Mayabang? Binigyan kita ng isang unit, condominium sa Wil Tower! Regalo ko sa ‘yo. Binigyan kita ng brand new na kotse.
“Ngayon, sasabihin mo sa vlog mo, mayabang ako? Kapag may kailangan ka, may hinihingi ka sa akin na tulong, ‘Lapitan mo ito, anak. Bigyan mo ito ng one million.’
“Ano ang ginawa ko, ‘di ba? May inilalapit ka sa aking mga artista na hirap sa buhay. Ilan? Binigyan ko ng tig-isang milyon, ‘di ba?
“Gusto n’yo ng totohanan? During the pandemic, sinong tumutulong sa reporters? Sampung libo, buwan-buwan? Sino?
“Hindi ko kayo sinusumbatan. Ipinapaalaala ko lang sa inyo! Dalawang taon, hindi ko pinutol ‘yan. Halos lahat ng supporters na inilapit mo sa akin, binibigyan ko ng 10 libo buwan-buwan.
“Bakit? Gusto ko lang makabili sila ng bigas. May nagpasalamat ba sa akin? Wala!”
“May isa naman, nagmamakaawa raw ako. Nagpapaawa ako. Hindi ako nagpapaawa!
“Nu’ng tatakbo kang konsehal, pumunta ka sa kuwarto ko sa Channel 2. Binigyan kita ng singkuwenta mil (P50,000). Natalo ka. Kilala mo kung sino ka. Aminin mo ‘yan!
“Tatlo kayong nagho-host, nagpapatawa ka. Baka nalimutan mo, binigyan kita ng P50,000, tatakbo kang konsehal. That was mga year 2000. Natalo ka!
“’Yan ang gusto n’yo na labanan? Hindi ko ikinukuwento ito pero tinitira niyo ako ngayon! Binigyan kita ng singkuwenta mil, tatakbo kang konsehal. Reporter ka! Sasabihin ko na lahat!
“Gusto n’yo ng ganitong labanan? Naging mabait ako sa inyo. Wala kayong narinig sa akin. Kung ano ang kailangan n’yong tulong, ibinigay ko sa inyo!”
“Tapos ‘yung isa, nag-Ingles-Ingles ka pa! Naging kasama ka namin sa production. Kapag pumapasok ka, ‘di ba natutulog ka?
“Papasok ka sa dressing room ko, ‘Kuya Wils, I cannot do this. You know, I feel so dizzy.’ May mga ganoon-ganoon ka pa sa akin.
“Baka nakakalimutan mo, ikinasal ka sa Tagaytay? Sa akin natulog ang nanay at tatay mo, sa bahay ko sa Tagaytay.
“Ang galing-galing mong sumayaw, malapit ka sa Diyos, ang pamilya mo. Nagko-comment ka ngayon.
“O ano, baka nakalimutan mo, kinupkop ko kayo nung kakasalin ka sa Tagaytay. Napahiwalay ka. Du’n natulog sa akin ang tatay at nanay mo.
“Hindi ko ito isinusumbat. ‘Yan ang gusto niyo, malaman ng mga tao ‘yung totoo. Huwag kayong ganyan! Tumingin kayo sa pinanggalingan…
“Tumingin kayo sa inutangan n’yo ng utang na loob dahil ako, marunong ako (tumanaw) ng utang na loob. Uulitin ko po, ‘yan. Totoo ‘yan! Bukas iba-bash niyo ako? Bukas, sasabihin ng lahat, mayabang!”
“Alam ninyo, pasensiya na kayo. Lahat na lang, nag-trending ako. Winawasak ang pagkatao ko!
“Tapos ngayon, mayabang ako. Kung anu-ano ang mga sinasabi ninyo! Kung tatanggalin niyo ako dito, okay lang!
“Mamamatay ba ako? Magugutom ba ako? Gagawa ako ng paraan sa buhay ko. Pasensiya na ho sa lahat. ’Yung mga nagmamahal sa akin, ipaglaban niyo naman itong programa natin.
“Hindi ko kayo sinasabihan kasi ito hong programang ito para sa inyo. Para sa inyo ho ito!
“Nagbibigay ho kami ng tulong, sampung libo, bente mil, araw-araw! Dalawang daang libo ho ‘yan na inaabot. Limang milyon ho yan isang buwan na ginagawa ng programang ito at sa tulong din ng ALLTV. Kailangan malaman niyo ‘yung totoo.
“Sige, tirahin niyo pa ako! Papangalanan ko na kayo kung sino kayo! Lahat ng inilapit niyo sa akin na mga artista na kailangan ng pera, hindi ko kayo tinanggihan! Lahat! Totoo ‘yan.
“Binigyan ko kayo ng tulong dati, nakalimutan niyo, tinitira niyo pa ako! Anong klaseng tao kayo?”
Walang tinutukoy na pangalan ang TV host pero maraming hula ang mga netizen.
Ang ang running joke nila, ‘isoli na ang jacket na ‘yan.’
Pero ang mas nakakatawa ay si Willie na raw ang pinuno ng mga pa-victim.
Kaloka.
May nag-tweet pa ng “St. Kuya Wil, Patron Saint of Victim Playing, hindi ako karapat-dapat na umapi sa iyo, ngunit sa isang salita mo lang ay may jacket na ako.”
Hanggang naungkat na rin ang nangyari noon sa TV5 kung saan siya pa umano ang binabayaran samantalang siya na nga ang blocktimer.
Pero ang tanong, ang pagtulong ba ay kailangang isumbat?