Pamilyadong male personality, pinag-shopping ng ballpen na kalahating milyon ang halaga ang babaeng kasama sa Japan!

Pagdating na pagdating namin dito sa Japan, may mainit na tsismis kaming nasagap tungkol sa isang kilalang male personality na bumili raw ng mamahaling ballpen sa isang sosyal na store.

Montblanc ang ballpen na binili na super mahal naman talaga!

Pero nawindang pa rin kami nang malaman naming worth P500K ang halaga ng ballpen na ‘yun.

Dagdag pang tsika, may kasamang magandang girl daw itong si male personality.

Nang mapansin daw ng ilang kababayan natin, biglang may dalawang bodyguard daw na humarang para hindi makuhanan ng video.

Ang galing nga raw magbakod ng dalawang bodyguards dahil walang nakakapagkuha ng picture o video.

Ang ganda raw ng girl na kasama ni male personality na natitiyak nilang hindi ‘yun ang napakaganda niyang misis.

Julie Anne, ‘di reklamadora 

Masaya ang mga taga-The Clash sa magandang feedback at ratings ng naturang singing competition ng GMA 7.

Hindi pa nga ito na-promote nang mabuti, at hindi na natuloy ang presscon nito, pero mukhang inabangan dahil sa pilot episode nito nung Jan. 22 ay naka-12.4 percent, at nung nakaraang Linggo, Jan. 29, bahagya pa siyang tumaas na 12.9 percent.

Ang isa sa bilib na bilib pa sila rito ay sa kanilang host na si Julie Anne San Jose na sa gitna ng napaka-busy niyang schedule, hindi siya nakitaan ng pagkapagod at walang karekla-reklamo sa taping.

Tuluy-tuloy pa ang taping niya sa Maria Clara at Ibarra, tinitiyak daw ni Julie na hindi ito makaapekto sa taping ng The Clash at meron pa siyang All-Out Sundays.

Wala ka raw naririnig na reklamo sa kanya, o napapagod. Lahat daw na pinapagawa sa kanya ay sinusunod niya.

Kaya gustung-gusto at mahal na mahal siya ng production staff.

Hindi raw kagaya ng ibang artista na isa lang naman ang conflict na show, ang dami nang reklamo at parang pagod na pagod na pagdating sa isang show.

Kaya ang wish ng mga nakakatrabaho ni Julie Anne, sana tuluy-tuloy pa ang pamamayagpag ng career, dahil wala silang problema ‘pag nasa ta­ping na ito.

Bukod sa maganda niyang showbiz career, sobrang happy pa niya sa kanyang lovelife.

Sen. Bong, pinaghahandaan ang gagawing serye

Tuwang-tuwa si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. matapos parangalan ang pinagbidahan niyang teleseryeng Agimat ng Agila na ilang panahon ding namayagpag sa rating.

Isa ang Agimat ng Agila sa mga nanalo sa 35th Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club, Inc. (PMPC) nitong nakaraang Sabado ng gabi, Enero 28. Isa ito sa maraming awards na nakopo ng GMA 7.

“Napakahalaga ng mga ganitong award dahil ito ang nagbibigay-sigla sa atin para lalong sipaging magtrabaho. Ang mga ganitong pagkilala’y labis nating pinasasalamatan,” saad ni Sen. Bong.

In fairness naman sa Agimat ng Agila, kahit nung ni-replay ito, maganda pa rin ang rating. Kaya may mga nagtatanong na kung ano ba ang susunod na gagawin ni Sen. Bong sa GMA 7. “Hindi mini-series kundi isang malaking produksiyon ang aming inihahanda. Mahirap magbigay ng detalye sa ngayon pero, malay n’yo, baka araw-araw n’yo na kaming mapapanood. Abangan na lang ninyo,” napapangiting pahayag ni Sen. Bong.

 

Show comments