'6 na taong palamunin': Pokwang inispluk bakit pinalayas Amerikanong ex

Litrato nina Lee O'Brian (kaliwa) at Pokwang (kanan) noong Setyembre 2021
Mula sa Instagram account ni Pokwang

MANILA, Philippines — Walang suporta sa anak at pinansyal na ambag, 'yan ang bagong ibinulgar ng TV host at komedyanteng si Pokwang patungkol sa hiwalayan nila ng Amerikanong aktor na si Lee O’Brian — kaiba sa pagtatanggol niya sa dating partner noong unang lumabas ang balita.

Ito ang ibinahagi ni Pokwang (Marietta Subong sa totoong buhay), Sabado, matapos siyang tawaging "talakera" ng isang Instagram user na naging dahilan daw kung bakit siya iniwan ni O’Brian.

"[Tanga] nagising lang ako sa katotohanan na anim na taon kona pala sya palamunin at limang taon walang child support!" sagot niya sa IG user na si @mariecarlalumontad. "Wag kana baka madamay ka sa demandahan namin hahahhahaa."

"[For your information] hindi ako iniwan bwahahhaaahaaa tanungin mo sya bakit ko sya pinalayas!!!!! tanungin mo now na!"

View this post on Instagram

A post shared by Marietta Subong (@itspokwang27)

Hunyo 2022 nang aminin ni Pokwang na "hindi pera" o third party ang naging dahilan sa kanilang breakup.

Wala pa namang komento si Lee sa mga sinabi ni Pokwang online.

"[Hindi ka] papatulan nyan [Lee] kung waley ka pakinabang!!! or kaibigan mo yung babaeng involve? pakisabi congrats nagtagumpay sya na wasakin ang puso ng anak namin na ngarap na mabuo kaming muli!" banggit niya pa sa sinagot na IG user.

Nagbago tono?

Ibang-iba ang maaanghang na pahayag ngayon ni Pokwang kumpara sa mga mabubuting salita niya sa dating katuwang sa buhay. 

"Una sa lahat walang third party, wala in all fairness kay Papang. Hindi rin pera, kagaya ng mga lumalabas na pera. Hindi ganoon, walang ganoon. Siguro napagod lang kami," sabi niya noon sa panayam ng GMA News.

"Sana ang alam ng tao na ang hinuhusgahan ninyo na si Lee O’Brian ay mabuting tao naman po. Mabuting ama. Nasasaktan lang ako sa mga nababasa ko na kesyo palamunin ko daw. Masipag po ‘yung tao."

Nobyembre 2021 pa raw talaga nangyari ang hiwalayan ngunit 2022 lang ibinahagi sa publiko.

Gaya ni Pokwang, aktor din si Lee, na siyang nakasama niya sa pelikulang "Edsa Woolworth" (2014). Biniyayaan din sila ng anak kalaunan at kanilang pinangalanang Malia.

Show comments