Nilinaw ni Direk Joel Lamangan na hindi siya nangutang para pambayad sa hospital bills niya nung na-triple bypass siya nung December, 2022.
Taga-Makati kasi si Direk Joel kaya may tinatawag kaming blue card at yellow card para sa medical assistance sa nasabing syudad.
May senior citizen card pa siya, kaya tinanong namin kung maliit na lang ba ang nabayaran niya sa hospital. “Malaki rin ang gastos ko. Pero nakatulong ang senior card.
“Pero napaiyak ako. Nang makita ko yung babayaran ko, napaiyak ako,” bulalas ni Direk Joel.
Mabuti at nakapag-ipon naman si direk dahil sa sunud-sunod naman ang trabaho niya. Kaya never daw siyang humingi ng tulong sa iba.
“Hindi ako nananawagan pag ganun! Nahihiya ako! Kaya nga ako naghanap-buhay nang naghanap-buhay,” pahayag ni Direk Joel Lamangan nang nakatsikahan namin sa birthday lunch ko nung nakaraang Sabado.
Halos sumabay pa ito sa pagpapa-opera niya nung na-hack ang Facebook account niya na nagamit ang account niya para mangutang sa mga kaibigan.
“Hindi ako nangutang kailanman! Ako ang inuutangan no?! Hindi kailanman! Ako ang inuutangan. Hindi ako nangungutang. Mali yun! Hindi totoo yan,” sabi pa ni Direk Joel na humirit pang madalas na hindi naman daw siya nababayaran ng mga umutang sa kanya.
Ngayon ay back-to-work na si Direk Joel at inaayos na ang mga susunod na pelikulang gagawin niya.
Nakatutok muna siya ngayon sa promo ng pelikula niyang Oras de Peligro na magsu-showing na sa March 1.
Kinorek pala niya sa amin na hindi na sa February 24 ang premiere night ng Oras de Peligro sa SM Megamall. Ginawa na nila itong February 23.
Pinay kinoronahan...Miss Planet International, peke raw!
Nagkakalibre ng publicity ang Miss Planet International na pinasikat lang ni Wilbert Tolentino.
Katatapos lang ng naturang beauty competition na ginanap sa Cambodia nung January 29.
Ang kinatawan ng Pilipinas na si Maria Luisa Varela ang hinirang sa naturang title.
Pero kinuwestiyon ito ni Wilbert na sinasabing siya pa rin ang National Director ng Miss Planet International.
Bago pa nagsimula ang kumpetisyon sa Cambodia ay nagpu-post na si Wilbert dahil basta na lang nagpadala ng panibagong kandidata pagkatapos umatras ni Herlene Budol.
Kini-claim nitong si Miki Antonio na siya na raw ang National Director at itong si Varela ang ipinadalang kandidata.
Pinagdiinan ni Wilbert na siya pa rin ang National Director ng Miss Planet International-Philippines kaya nagpupuyos ito sa galit na binastos daw siya dahil hindi man lang daw nagpasintabi na magpapadala sila ng kandidata.
Ang isa pang pasabog ni Wilbert na ipinost sa kanyang Facebook account nung kamakalawa lang ay bayad daw ang title na napanalunan ni Varela.
Bahagi ng FB post ni Wilbert Tolentino; “FYI lang po guys, bayad po ang korona ang napanalunan ng Miss Planet Philippines at alam na niya final question bago siya lumipad ng #Cambodia para sumabak ng MPI.
“Ate Gurl (Maria Luisa) lumaban ka ng patas kawawa din mga co candidate mo at nag-eeffort din sila para sa pageant sinalihan nila at mag-travel pa sila patungong #Cambodia.”
Idinetalye pa niya ang sinasabing pandaraya sa pagkapanalo ni Varela sa naturang titulo.
Sa totoo lang, hindi kaseryo-seryoso ang beauty competition na ito na wala pa yatang 20 ang mga kandidatang naglaban-laban at hindi malinaw kung para saan ang titulong ito na lalabanan sana ni Herlene bago nagkaroon ng kontrobersiya.