MANILA, Philippines — Handang-handa nang magkaroon ng baby ang "It's Showtime" hosts at LGBT couple na sina Vice Ganda at Ion Perez — pero posibleng gumastos sila ng hanggang P9 milyon mahigit para rito.
Ito ang ibinahagi ni Vice sa Youtube channel ni dating 2022 presidential candidate Isko Moreno Domagoso na siyang in-upload nitong Biyernes.
Related Stories
"Surprisingly, gusto ko nang magkaanak. Dati as in no-no ako diyan," wika niya nang matanong ng actor-turned-politician.
"Dati talaga no-no kahit nga ‘di biological kahit biological, no-no talaga ako. Ayoko kasing i-subject ‘yung magiging anak ko sa social injustices, sa discrimination."
Aminado si Vice na naaawala siya sa mga batang tinatrato nang masama ng publiko oras na kumakalat ang balitang bakla ang kanilang ama.
Aniya, nasasaktan daw kasi ang mga bata sa ganoon at maaaring isipin nilang may mali sa kanila. Ang plano niya ngayon, i-build ang karakter ng kanilang magiging anak upang maging handa para sa anuman.
"Until I met Ion at na-build ‘tong relationship namin and I found it really so beautiful; na sabi ko na kayang-kaya naming magka-baby," sabi ng box office star, na nagpakasal kay Ion sa Las Vegas, USA noong Oktubre 2021.
"Parang may ibang magic 'yung mga bata kapag nakakakita ako ngayon ng baby. Iba ngayon 'yung nararamdaman ko sa loob... Hindi naman siguro magugutom itong baby ko kung saka-sakali."
"I was planning to do it. Nagpunta ako ng Amerika. Alam ko na kung saan akong puupuntang doktor, pero I didn't have the luxury of time to pursue kasi ang dami kong ginagawa. Kailangan kong bumalik agad ng Pilipinas dahil sa 'Showtime"... Kailangan kong... mag-devote ng oras... para matutukan ko 'yon."
Oras na gawin na raw niya ito, posibleng mawala muna siya sa mundo ng showbiz ng ilang buwan.
Ayon sa Fertility Center of Las Vegas, karaniwang umaabot ng $110,000 hanggang $170,000 ang kailangang gastusin para sa surrogacy sa Amerika, na siyang sumasagot sa surrogate compensation at expenses, legal fees at medical costs sa fertility clinic.
Katumbas 'yan ng halos P6.02 milyon hanggang P9.3 milyon sa Pilipinas.