Mula nang ipalabas ang teaser ng ng Dirty Linen ay talaga namang pinag-usapan na ito ng mga manonood.
Mayroong mga nagsabing maaaring ihalintulad ang tema ng naturang proyekto sa ilang international series kagaya ng Money Heist and Game of Thrones.
Isa si Zanjoe Marudo sa mga bida ng bagong seryeng mapapanood na sa Kapamilya Channel simula ngayong Lunes. “Tingin ko nagsisimula na siya ma-appreciate ng audience. ‘Yung mga ganitong klaseng tema ng palabas, ‘yung mga about revenge, mga suspense. Nae-excite sila tapos hindi nila alam ‘yung mga susunod na mangyayari. Pati kaming mga co-actors, nae-excite kami sa mga susunod na script. Minsan meron na kaming copy pero hindi pa namin binabasa kasi ayaw pa naming ma-spoil. Ang daming twists. Tapos lahat ng character dito may sikreto,” pagbabahagi ni Zanjoe.
Matatandaang huling nagbida ang aktor sa teleseryeng The Broken Marriage Vow noong isang taon kasama sina Jodi Sta. Maria at Sue Ramirez.
Ayon sa binata ay kailangan niyang makipagsabayan sa mga kasamahan sa Dirty Linen pagdating sa kakayahan sa pag-arte.
Katrabaho ni Zanjoe ngayon sa bagong proyekto ng ABS-CBN sina Janine Gutierrez, Francine Diaz, Seth Fedelin, Tessie Tomas, John Arcilla, Janice de Belen, Angel Aquino, Epy Quizon, Joel Torre, Christian Bables, Jennica Garcia, Susan Africa, Soliman Cruz, JC Santos, Andrea del Rosario, Xyriel Manabat, Raven Rigor, Dolly de Leon, Ruby Ruiz, Liza Diño at Karl Medina. “’Yung The Broken Marriage Vow, sobra na akong na-overwhelm sa project, sa character na ginawa ko. No’ng in-offer sa akin itong Dirty Linen, may iba pa palang magagawa na mas mae-excite ako na ibang tema. Excited akong pag-aralan para makapag-step up dahil ito ‘yung show na hindi ka pwedeng bumitaw, hindi ka pwedeng mag-relax. Kasi maiiwan ka sa galing ng lahat ng cast eh. Nakakatuwa, thankful ako sa Dreamscape na naiisip nila ako lagi every time may ganitong challenging na character,” nakangiting pahayag ng aktor.
Sharlene, nagwawaldas sa Blackpink
Marami ang nakapapansin sa istilo ng pananamit ni Sharlene San Pedro. Medyo naiiba raw ang bihis ng aktres kumpara sa ilang mga kasabayan nito sa show business.
Aminado si Sharlene na talagang iniidolo niya ang Blackpink kaya naimpluwensyahan siya ng Korean girl group. “Lahat sila favorite ko pero iba-iba ng style. More on si Lisa ‘yung fashion icon ko. Favorite ko suotin araw-araw ‘yung parang shirt lang and pants. Parang kahit anong plain lang. Sa tingin ko malaking influence din ‘yung sa K-pop. Pero kasi iba-iba naman ‘yan ng style kasi that’s what makes us unique and authentic. So sa tingin ko kung ano ‘yung mga gusto ko isuot, talagang pinu-push ko kahit magpakulay ako ng buhok, okay lang,” paglalahad ni Sharlene.
Napapagastos daw ng malaki ang aktres dahil sa pagiging masugid na tagahanga ng Blackpink. “Biggest splurge ko siguro sa Blackpink talaga. Kasi lahat ng nire-release nila binibili ko. Meron akong merch na parang isang malaking shelf. Madami, meron sa kuwarto, meron sa living room ko. Tapos ‘pag nagla-livestream ako may posters sila para nakikita ko palagi. Pero hindi pa ako pumunta sa Korea. Umu-order ako sa mga authorized reseller dito sa Pilipinas,” kwento ng dalaga.
Magkakaroon muli ng concert ang Blackpink sa Pilipinas ngayong March.
Nadismaya si Sharlene dahil hindi niya mapapanood ang mga iniidolo. “Naku! Naubusan ako ng ticket dito. Kaya pumila ako sa Singapore. Dalawang araw ako pumila pero mas nakakuha ako ng magandang upuan no’ng second day. So binenta ko pa. Hindi na ako manonood kasi hindi ako nakakuha ng ticket. Ayoko rin lumapit sa mga promoter kasi gusto ko ‘pag may sinu-support ako, bibilhin ko talaga ‘yung ticket,” pagtatapos ng dalaga. (Reports from JCC)