Susmaryosep!: 'Padre Salvi' hinimatay sa presyo ng sibuyas ngayong 2023
MANILA, Philippines — Trending sa social media si Juancho Triviño — aktor na gumaganap bilang Padre Salvi sa GMA seryeng "Maria Clara at Ibarra" — matapos maeskandalo sa kasalukuyang presyo ng sibuyas lalo na't umaabot na ito sa P450/kilo.
Bahagi ito ng #PSAdventures ni Juancho sa Instagram, Miyerkules, kung saan pakunwaring nakaabot sa taong 2023 ang kontrabidang pari sa librong "Noli Me Tangere" ni Jose Rizal na 1887 pa inilimbag.
"Tignan natin ang presyo... Napaka mahal niyan!" tugon niya matapos mahimatay dahil sa nakalululang presyo.
"Mauubos ang ating indulhensiya na kinukuha sa taumbayan ng San Diego!"
Ang indulhensya sa "Noli Me Tangere" ay tumutukoy sa halaga ng perang kinokolekta ng Simbahang Katolika upang mabawasan ang parusang kailangang pagbayaran ng tao para sa kanilang kasalanan.
Biro ng aktor, nagpunta sila sa grocery store dahil kinakailangan nilang mamili para sa darating fiesta sa San Diego, isang fictional na bayan kung saan nanggaling ang mga bidang sina Crisostomo Ibarra at Maria Clara.
Kasama ni "Padre Salvi" sina "Renato" (Kiel Rodriguez) at "Don Tiburcio" (Roven Alejandro) sa naturang video, kung saan makikitang napagkamalan nilang shampoo ang tetra pack ng mantika at liquid seasoning.
Sa dami ng kanilang pinamili, wala silang naiuwi dahil sa nakalimutan nilang magdala ng pilak sa supermarket.
Ilang buwan nang laman ng balita at memes ang sibuyas na ibinebenta sa Pilipinas lalo na't ibinebenta ito sa pinakamahal na presyo sa buong mundo, bagay na tumuntong sa P720/kilo noong Disyembre.
Nasabay ang pagsipa ng presyo ng naturang sangkap sa pagtungtong ng inflation rate sa 8.1%, ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bihilin sa mahigit 14 taon sa Pilipinas.
- Latest