Nagbabalik sa pagtatrabaho bilang artista si Ejay Falcon. Nanalo ang aktor bilang Vice Governor sa Oriental Mindoro noong 2022 elections.
Bukod sa paglilingkod sa lalawigan na kanyang nasasakupan ay abala na rin si Ejay ngayon sa pagiging aktor. Kabilang ang binata sa FPJ’s Batang Quiapo na pinagbibidahan nina Coco Martin at Lovi Poe. “Bagamat lingkod-bayan na po ako ay ‘di naman mawawala ang pagmamahal ko sa pag-arte. Kaya no’ng natanggap ko ‘yung offer para sa role na ito sa Batang Quiapo, sabi ko, mahirap palampasin ito. Chineck ko din agad ang aking schedule at awa ng Diyos, eh tugma naman. Kaya hindi ako nagdalawang-isip pa at umoo ako na gawin ang project. Para din ‘to sa mga nagme-message sa akin, na nami-miss na akong makita sa telebisyon,” paliwanag ni Ejay.
Aminado ang actor-politician na talagang hinahahanap-hanap na rin niya ang pag-arte sa harap ng kamera. Naging abala si Ejay sa pangangampanya bago mag-eleksyon noon isang taon kaya pansamantalang iniwan ang show business.
“Oo naman, lalo pa ngayon na ibang-iba na ang mundo ko bilang Bise Gobernador. Nakaka-miss na may call time ka, na nasa set ka at nasa harap ng kamera, gumaganap ng isang papel,” pagtatapat niya.
Masayang-masaya si Ejay dahil muling makakatrabaho si Coco pagkalipas ng maraming taon. “Masaya na nagkasama kami uli. Si Coco kapag nakakausap ko ‘yan, madami ako natutunan sa kanya. Isa pa rin siya sa pinaka-nirerespeto kong artista sa industriya. Nakakatuwa na nagpasalamat siya sa akin na tinanggap ko ‘yung role. Pero mas higit akong nagpapasalamat sa kanya and naikwento niya sa akin na very proud siya sa akin bilang lingkod-bayan. Actually, malayo pa lang ako noong dumating ako sa set ay sumigaw na po agad siya ng ‘Vice Gov.’,” kwento ng actor-politician.
Xian, mas abala na sa pagiging direktor
Hindi man abala sa pagiging aktor ay abala naman si Xian Lim bilang isang direktor. Ang binata ang gumawa ng reunion movie nina Janno Gibbs at Anjo Yllana na Hello, Universe.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatrabaho ng magkaibigang komedyante si Xian bilang direktor ng kanilang bagong proyekto. “I’m friends with Xian but it’s my first time being directed by Xian. Siya rin ang nagsulat nito, so he’s really the captain of the ship. He knows what he’s doing. Impressive ang shooting namin. The shots, the story, the screenplay. Kaya naman tuloy lang kami kahit na mahirap, madami kaming eksena sa bawat araw because we know what we’re doing is a nice film and that’s because of Xian,” pagbabahagi ni Janno.
Mapapanood na sa mga sinehan simula sa Jan. 25 ang naturang pelikula mula sa Viva Films. Para kay Xian ay isang malaking karangalan na makatrabaho ang mga beteranong komedyante sa Pilipinas katulad nina Janno at Anjo. “Napakasarap sa pakiramdam na sila po ‘yung nakasama ko sa pelikulang ito. It’s because very collaborative po ‘yung environment namin and everyone was willing to give their 100%. Kumbaga, lahat willing na, ‘Okay, mapapagod kami dito, mapupuyat kami. May chance na magkasakit kami dito but we will give it our all. We will improve doon sa nakasulat sa script and we will just have fun along the way,” paglalahad ni Xian.
Ayon kay Xian ay iniidolo na niya talaga noon pa man sina Anjo at Janno pagdating sa pagpapatawa. “It was such a plus na idol na idol ko sina Kuya Janno and Anjo Yllana. Bata pa lang po ako, pinapanood ko na po sila. Kaya po ako nagkaganito dahil sa kanila eh,” natatawang pagtatapos ng actor-director. (Reports from JCC)