Joaquin, hindi nakapalag sa takilya!

Joaquin
STAR/ File

Siguro nga masasabing kailangang kila­lanin ng mga kritiko ang isang artista para masabing mahusay nga siya, pero ang pagkilala ng mga kritiko o ang pananalo ng awards ay hindi sapat para umangat ang career ng isang artista.

Isang magandang example si Joaquin Domagoso. Iyong una niyang pelikula na inilabas sa mga sinehan, bumalibag na sa madaling salita ay nag-flop. Eh kasi naman bigla-biglang inilabas, wala man lang matinong promo, tapos may pandemic pa.

Ngayon iba na. Nanalo na siya ng ilang award sa mga festival sa abroad sa kanyang second film. Katakut-takot na publisidad pa. Kontrobersiyal pa siya dahil bigla siyang naging tatay. Pero bakit nang ipalabas sa sinehan ang ikalawa niyang pelikula ay flop pa rin?

Nagsimulang marami ang sinehan na naglabas ng pelikulang ‘yun, kinabukasan tinabunan ulit iyon ng Avatar na ibinalik sa mga sinehan.

Kung pag-aaralan mo, hindi sapat iyong manalo ng awards para kumita ang isang pelikula. Kung hindi naman kikita ang pelikula, kahit na anong husay ng isang artista, walang producer na mamumuhunan para igawa siya ulit ng pelikula. In the long run, ang importante pa rin ay box office.

Kalokohan iyong sinasabi ng ilan na “for art’s sake.” Kung “for art’s sake” nga lang ba ang dahilan ng paggawa nila ng pelikula, bakit nagagalit sila kung ayaw silang ipalabas ng mga sinehan? Gumagawa sila ng pelikula para kumita.

Ang pagiging artista ay isang propesyon. Nag-aartista ka para kumita. Lahat ng tao sa produksiyon, director, writer. at iba pang artista, hanggang utility, nariyan  para kumita.

Kung ang mahalaga ay kumita, aba eh wala na ngang silbi ang awards mula sa foreign film festivals.

Kung pag-aaralan ninyo, iyon din namang iba pang nananalo sa festivals kahit na sa abroad, hindi rin kumikita. Pangyabang lang ang festivals sa abroad, tapos pagdating sa Pilipinas nganga.

Keempee, hindi nagswak ang career

Noong isang gabi, naka-chat namin sandali si Keempee de Leon, pagkatapos ng ilang taon ding hindi kami nagkikita.

Nanghihinayang kami kay Keempee. Hindi maikakaila na noong kanyang panahon, isa siya sa better looking, hinahabol ng fans at magaling din namang actor. Pero mukhang hindi nagswak ang mga ibinibigay sa kanyang roles. Iyon kasi ang panahon na ang pinasisikat talaga ay ang mga artistang babae. Iyong leading man nagiging support na lang. Pero maraming ginawa si Keempee, kahit na sa telebisyon na napatunayan niya na mahusay siyang actor at malakas ang batak niya. Gaano kahaba nga ba tumagal ang serye nila noon ni Donna Cruz, na napakataas ang ratings kahit na nasa pre-primetime.

Palagay namin, hindi pa huli ang lahat. Makapagbawas lang ng timbang si Keempee, mas maging visible ulit, puwede pang maging leading man iyan. Kailangan lang ay tamang diskarte sa career.

Aktor na komplikado ang love life, matagal nang binabantayan ng gay millionaire!

May tsismis. Dahil tipong magulo raw ang love life ng isang male star, aba inaabangan naman pala ng isang gay millionaire si pogi. Baka nga naman dahil magulo ang love life noon, maisipan munang mag-sideline habang walang bagong syota.

Matagal na rin naman daw ipinagtatanong ng gay millionaire na involve sa real estate business ang poging male star. Aba marami na rin namang male stars ang naka-date ni gay millionaire simula pa noon. Kaya lang ang problema niya, hindi raw maabot ng kanyang regular “contacts”  ang male star. Ibang generation na kasi ang “contacts” niya eh.

Show comments