Noong mismong kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno ay sinimulan na ang taping para sa FPJ’s Batang Quiapo na pinagbibidahan ni Coco Martin. Bukod sa pagiging pangunahing bida ng bagong proyekto ay isa rin si Coco sa mga direktor nito. Pinaghandaang mabuti ng kanilang buong grupo ang kauna-unahang araw ng trabaho lalo pa’t Pista ng Quiapo ng Jan. 9. “Gumising kami nang maaga, upang masaksihan namin kung ano talaga ang nangyayari kapag fiesta ng Quiapo. Sobrang excited kasi matagal talaga namin ‘tong inintay at pinaghandaan,” nakangiting bungad ni Coco.
Bilang deboto ng Mahal na Poong Nazareno ay matatandaang madalas na dumadalo si Coco ng prusisyon sa Quiapo. Naging panata na ito ng aktor kahit noon pa man. Nakiisa si Coco at ang kanilang buong grupo kasama ang libu-libong deboto sa paggunita ng Kapistahan ng Itim na Nazareno. “Masarap sa pakiramdam. Kami, honestly, napaka-positive sa amin lahat. Ang aga naming gumising, ang gaan ng pakiramdam namin. Napaka-relaxed,” giit niya.
Ayon pa kay Coco ay naging maayos naman ang lahat sa kanilang taping sa Quiapo kahit na kasagsagan ng pista. Mabilis lamang ding natapos ang kanilang trabaho noong araw na iyon. “Well-coordinated lahat, naghiwa-hiwalay kami pero smooth lahat. Wala mang prusisyon, may misa naman pero maayos lahat. Nakakatuwa ‘yung mga tao kasi nakikipag-coordinate lahat. Kaya walang gulo, walang nasasaktan. Kaya sobrang thankful and blessed kami sa first day namin sa Batang Quiapo,” kwento ng actor-director.
Sylvia, gustong ipagmalaki ang LGBTQIA sa buong mundo
Abala ngayon si Sylvia Sanchez sa pagiging isang producer. Pag-aari ng aktres ang Nathan Studios na katuwang ng Fire and Ice na pag-aari naman ni Ice Seguerra at Liza Diño para sa Divine Divas The Ultimate Drag Experience na gaganapin sa Feb. 10 sa New Frontier Theater. Tampok sa naturang concert ang mga kilalang drag queens na sina Precious Paula Nicole, Viñas Deluxe at Brigiding. Hindi raw nagdalawang-isip si Sylvia na i-produce ang concert dahil talagang kaabang-abang ito. “Naniniwala ako kaya pumayag ako no’ng sinabi nina Ice na, ‘Nay, produce tayo ng ganito. Gusto mo ba? Nag-yes kaagad ako kasi may paniniwala ako at bilib ako sa mga LGBTQIA. Gusto ko sila ipagmalaki sa buong mundo. Huwag tayo mag-neglect ng mga ganitong tao. Kailangan natin silang mahalin at higit sa lahat, baka ‘yung nagmamaliit sa kanila, talo nila at mas magaling sila do’n sa mga ‘yon. ‘Yon ‘yung gusto kong makita rin, na kahit sino ka, kahit ano ka, dapat tanggapin ka,” makahulugang pahayag ni Sylvia.
Masayang-masaya ang aktres dahil nanunumbalik na sa normal ang entertainment industry kumpara noong kasagsagan ng pandemya sa bansa. Para kay Sylvia ay kailangang panoorin ang Divine Divas The Ultimate Drag Experience upang makapagdulot ng kasiyahan sa paligid at sa kapwa. “Ang Divine Divas ay isang malaking dahilan para magdiwang at magpasalamat tayong lahat. Unti-tunti na tayong bumabangon kaya todo-ratsada at todo-ariba tayo sa pagtatrabaho. Magkalat tayo ng good vibes at kaligayahan kaya nandito tayong lahat at kapit-bisig tayo sa pagpapalaganap ng love, this 2023,” nakangiting pahayag ng beteranang aktres.
(Reports from JCC)