BB, gustong gumawa ng may-December affair  

BB Gandanghari

Masayang-masaya si BB Gandanghari dahil naging mainit ang pagtanggap sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas pagkalipas ng pitong taon. Ayon sa kapatid ni Robin Padilla ay talagang naramdaman niya ang pagtangkilik ng mga tao nang minsang pumasyal sa Maynila. “Yeah! Especially kung napanood n’yo ‘yung vlog ko na nagpunta ako sa Binondo. Lumakad ako doon, walang nambastos. Not even once, everyone is very welcoming and loving. So I can’t really ask for more,” nakangiting kwento ni BB.

Posibleng gumawa muli ng mga proyekto ang dating aktor habang nasa bansa. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto umanong makatrabaho ni BB ang pamangking si Daniel Padilla. “Top of mind, gusto kong makatrabaho si Daniel eh. Artista muna tayo and medyo excited ako doon. Mayroong offer and hopefully matuloy lahat ‘yon, mayroon rin offer na pelikula sana matuloy rin,” pagbabahagi niya.

Gusto raw makatambal ni BB ang ilang top young lea­ding men sa Pilipinas kung may pagkakataon. Mayroon na rin siyang naisip na konsepto para sa magiging takbo ng istorya nito kung sakali. “Oh, a lot of them. Sino ba ang bagay sa akin? Pero May-December affair na ito,” natatawang pahayag ni BB.

Joey, inaming naging makasarili

Kamakailan ay inamin ni Joey de Leon na nagkaroon siya ng tampo kay Toni Gonzaga dalawang dekada na ang nakalilipas. Matatandaang nagsimula noon bilang host ng Eat Bulaga ang aktres bago pa tuluyang lumipat sa ABS-CBN. “Galit ako noong nilayasan kami. Nagtampo ako, nagtampo ako talaga. Nagtampo talaga dahil love namin, baby namin,” pagtatapat ni Joey.

Para sa beteranong TV host at aktor ay talagang isang anak na ang turing niya kay Toni kaya ganoon na lamang ang kanyang naramdaman. “Baby namin eh, so noong nawala, selfish lang kami noon. Pero good for her, natutuwa kami sa nangyari, ‘yon lang. Nakikita ko na rin naman, masaya ako sa sinapit ni Celestine (tunay na pangalan ni Toni),” dagdag pa niya.

Samantala, ngayon lamang ulit nagkasama sina Joey at Toni sa pelikulang My Teacher na isa sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival 2022.

Hanggang ngayong araw na lamang mapapanood sa mga sinehan ang naturang proyekto. Kasama rin sa naturang MMFF entry ang mga kabataang artista katulad nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte.

Masaya umano si Joey sa tuwing may kabataang nakakasama sa mga trabaho. “Sanay ako na may mga bata na kahit malayo ang edad ko, sa Eat Bulaga kasi gano’n kami. Kahit na tumatagal ang Bulaga, dahil may mga bata na naka-inject doon from Ryzza Mae (Dizon) to Maine (Mendoza), Maja (Salvador), Miles (Ocampo),” pagtatapos ng TV host. (Reports from JCC)

 

 

Show comments