MANILA, Philippines — Humihingi ng dispensa ang vlogger at singer na si Donnalyn Bartolome sa paskil niya nitong Martes, bagay na nabanatan matapos paringgan ang mga malungkot sa pagbalik-trabaho matapos ang bakasyon nitong Bagong Taon.
Pinuruhan ng netizens ang internet personality dahil sa kanyang "insensitive remarks," lalo na sa mga mabababa ang sahod, minimum wage at hirap mag-commute bago sumubsob sa trabaho.
Related Stories
"I admitted mali ang choice of words ko," wika niya sa isang paskil sa Facebook, Huwebes ng gabi.
"Madali magsorry pero how do you know the person really meant no harm? Pag nakilala mo siyang konti."
Paliwanag niya, hindi nanggaling sa pribilehiyo niya sa buhay ang kanyang pagiging positibo ngunit sa kanyang karanasan.
Dagdag pa niya, naranasan din niyang wala siyang trabaho, mag-bus, MRT, jeep, FX, tricycle at kung anu-ano pang uri ng sasakyan sa gitna ng init at hindi minamaliit ang hirap ng iba.
"Pero siguro sa pagpapalaki talaga saakin kung bakit ako ganito. Janitor ang lolo ko noon, sasakay kami sa bus.. walang bahid na reklamo sa init at pagod kaya na-adapt ko siguro?" dagdag pa niya habang nagpapaskil ng mga litrato niya habang lumalaki.
"Dagdag mo pa mommy ko na nagbebenta lang noon ng Banana Q sa kalsada pero wala talagang bahid na reklamo, pag kinkwento nila ang mga times sa buhay nilang yun, puro saya.. puro gratefulness."
"Dinala ko hanggang sa paglaki ko. I clinged to it. Kaya when it was time for me to work, nung tinuruan akong tumayo sa sarili kong paa nang walang tulong, pag may struggles, anghirap magreklamo."
Dagdag pa niya, tanggap niyang mali siya sa kanyang mga sinabi. Ginagawa raw niyang magpaliwanag ngayon hindi para isalba ang sarili, ngunit dahil gaya ng iba ay may pinagdaraanan din daw siya: "[L]ast thing I’d want to do is hurt any of you."
Ano nga uli sinabi niya?
Ika-3 ng Enero nang umani ng batikos ang kanyang post, na tila nag-i-"invalidate" sa nararamdaman ng mga Pilipinong gusto pang magpahinga bago sumabak uli sa matinding pagkayod.
"Bakit may sad dahil back to work na? Diba dapat masaya ka kasi may chance ka na pagandahin buhay mo at ng pamilya? Trip ko pa nga may work ng January 1 dahil superstition ko may work ako buong taon pag ganun," sabi niya.
"Dapat grateful kasi may work. If work makes you unhappy, I hope you find a job that will. Yung pakikiligin ka and sheet."
"Sabi ng vlogger na sumasahod ng million, lol its easy for you to say these words," sagot ni Ralph Reyes sa comments section.
Tugon tuloy ng FB user na si Vea Arantxa Dayrit: "Try mo mag commute to work ewan ko kung di ka maging sad."
"May mga empleyado kasi na sobrang bitin sa rest day and hindi nadama yung saya ng holiday kasama ang kanilang mga pamilya dahil nakaduty sila. Siguro kaya ganun," banggit naman ni Michael Catiis.
Sumawsaw din sa usapan ang motivational speaker at vlogger na si Rendon Labrador nang sabihin niyang: "Hindi naman porket nalungkot ka ay hindi ka na grateful. Hindi ka kasi makakaramdam ng 'saya' kapag ang kinikita mo ay pang 'survive' lang sa pang araw araw. Basahin mo ulit para ma gets mo."
'Kakaibabe' laman ng kontrobersiya noong 2022
Hulyo lang nang mabatikos si Donnalyn sa pagpapaskil ng sexy pictorial kung saan naka-costume siya bilang isang baby, bagay na nakakapanghikayat pa sa mga pedophile ayon sa ilan.
Agosto naman nang kastiguhin ang kanyang "kanto-style" birthday party dahil sa paggamit diumano sa kahirapan bilang content sa kanyang YouTube channel, lalo na't mayaman naman na talaga siya ngayon.