Nung nasa UST ako, sinususuportahan ko naman yung taunang UAAP Cheerdance Competition lalo pa’t meron akong classmate na member ng UST Salinggawi Dance Troupe. Ito rin ‘yung mga panahon na palagi silang panalo. (as in walang nakakatalo sa mga ate mo!) Pero ‘di na ‘ko nakapanood nung naging busy busy-han na sa trabaho. (kunwari abala!) Taong 2014 nang ako ay magbalik sa panonood dahil kay special partner Bryan na dating member naman ng FEU Cheering Squad. (as in tumatumbling kami yearly para makakuha ng tickets!)
Syempre present kami last time sa Season 85 ng UAAP Cheerdance Competition sa MOA Arena. Kung noon, laging may nagreregalo sa’kin ng magagandang tickets, ngayon, pahirapan kami makakuha ha. Dumiskarte si Bryan para lang magka-ticket. Kahit overpriced na ‘yung available sa mga “sellers”, kinakarir na namin! (medyo ilang seasons nang ganito ha!)
May ibang vibe lang talaga ang cheerdance event. Nakakaaliw ‘yung level ng energy ng mga participants at nakakatuwa ‘yung support ng bawat unibersidad sa kani-kanilang team. (ang lakas rin maka-bagets tuwing nanonood ka!) Kaya sana rin mas dumami pa ang sponsors at mas lakihan pa ang premyo ng mga winners. Alam nating, hindi pera ang dahilan ng kanilang pagsali rito kundi pride, passion at dedication lang talaga. Pero hindi rin kasi biro ‘yung hirap ng mga bata. (‘yung ihagis-hagis, at iwasiwasiwas ha!) Hindi naman masama na mas mabigyan pa sila ng mas malaking insentibo kahit papaano. (kung pwede lang mag-sponsor ako! Boylet lang kasi kaya ko! Chos!)
Para sa taong ito, second runner-up ang UST para sa kanilang Lady Gaga ins-pired theme. Nakakaloka nga dahil kakulay ng hair ko ang hair ng mga performers nila. (magpapabuhat na sana ako!) First runner up naman ang FEU, para sa tribute nila kay Francis Magalona. (sana binuhat nila si Maxene. Chos!) Super happy naman ako na naging Champion ulit ang NU PEP Squad dahil sa paandar nilang may pagka-aerobics na tema! (cheerobics mga ateng!) Para sa’kin, sure win na sila pagkatapos pa lang nilang sumalang! (halos taon-taon sila ang wagi ha!)
Sa isang dekada kong panonood, naging fan ako ng NU PEP Squad.
(Kahit pa graduate ako sa UST at naging lecturer noon sa FEU, ha!) Una-ng panood ko pa lang sa kanila noon, napabilib na nila ako. Walang mintis ang kanilang mga pasabog performance every year. Para sa’kin, total package sila bilang team dahil sa nangangabog nilang stunts, sayaw, costume at gimik. (at mukhang mababait silang bata!) Naging tatak na nila ‘yung mga buwis buhay na stunts na ayaw tumigil (as in sunod-sunod!), ‘yung pa-effect nilang costume (na laging mukhang mamahalin! ) at ‘yung mga gimik sa routine (na matataba ang utak ng mga nag-iisip!) Congratulations sa inyo! (FU loves NU! Ipilit nating mag-rhyme ha!)