MANILA, Philippines — Big winner ang pelikulang "Deleter" ng direktor na si Mikhail Red, bagay na nag-uwi ng pitong parangal sa katatapos lang na 2022 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal nitong Martes.
Kasama sa mga hinakot ng naturang pelikula ang "Best Picture," Best Director" at "Best Lead Actress" para sa bida nitong si Nadine Lustre. Nakuha rin nito ang mga "Best Cinematography," "Best Editing," "Best Visual Effects" at "Best Sound" awards.
Related Stories
"Sobrang unreal po sa pakiramdam... Hindi po talaga namin in-expect na makakasama 'yung 'Deleter' sa MMFF," wika ni Nadine sa kanyang acceptance speech kagabi.
"Ito pong award na ito idine-dedicate ko po ito sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko na tuloy-tuloy na sumusuporta, sa boyfriend kong si Chris [Bariou]."
Tungkol ang naturang pelikula sa mga responsable sa pag-takedown ng offensive at harmful content sa internet bago makaabot sa publiko, bagay na sumunod sa buhay ni "Lyra," na ginagampanan ni Nadine.
Nakuha naman nina Ian Veneracion at Mon Confiado ng pelikulang "Nananahimik Ang Gabi" ang mga parangal pagdating sa pinakamagaling na aktor at supporting actor.
Samantala, natanggap naman ng aktres na si Dimples Romana ang "Best Supporting Actress" para sa pelikulang "My Father, Myself."
Wala si Dimples noong seremonya dahilan para tanggapin ito ng kanyang co-stars, kabilang na riyan si Shawn Gabriel na nakakuha ng "Best Child Performer" award. — James Relativo at may mga ulat mula kay Kristofer Purnell