Ronnie, umaming lumaki ang ulo
Aminado si Ronnie Alonte na talagang naging mayabang siya noong kasikatan ng grupong Hashtags sa It’s Showtime na kanyang kinabibilangan dati. Ayon sa aktor ay naramdaman niya noon ang pagiging sikat na dahilan ng paglaki ng kanyang ulo. “Lumaki talaga ‘yung ulo ko noon. Gano’n po talaga siyempre kapag baguhan tapos nabigyan ka ng break, nakilala ka ng tao. ‘Yung fans nandiyan, ikinalaki po ng ulo ko ‘yon. Minsan nakakalimutan ko na ‘yung mga kaibigan kong non-showbiz na totoo kong kaibigan. Kasi gusto ko makipaghalubilo sa mga artista. Artista ako eh,” pagtatapat ni Ronnie.
Agad din namang natauhan ang aktor sa kanyang mga maling nagawa noon. Naisip ni Ronnie na hindi na maganda ang naging epekto sa kasikatan na kanyang tinatamasa. “Pagtagal-tagal, hindi pala ako ‘yon. Sabi ko parang hindi ako ito. Kasi hindi naman ako ganito. Kaya no’ng na-realize ko ‘yun, bumalik ako sa Biñan (Laguna). Nakipag-connect ako sa mga kaibigan ko. Doon na ulit nabalik na ako na talaga. Hanggang ngayon, gano’n pa rin,” kwento ng binata.
Hindi raw pinangarap ni Ronnie na maging isang artista. Ang gusto niya noon ay maging isang sikat na basketball player. “Varsity ako dati ng Perpetual. Gusto ko talaga mag-NCAA sa Manila. Kasi nag-NCAA ako sa south lang po, wala sa TV. Gusto ko mag-Manila talaga. Nag-try out ako sa Letran, Intramuros. Tapos no’ng nakuha ako sa Letran, doon na po dumating ‘yung time na, ‘Bakit hindi ka mag-artista? I-try mo kasi nakakapag-TV commercial ka eh.’ Doon na po nag-start,” nakangiting paglalahad ng aktor.
Karina, may naipundar na sa Tagaytay
Noong isang buwan ay naibahagi ni Karina Bautista sa kanyang Instagram account ang mga larawan ng loteng nabili sa Tagaytay. Masayang-masaya ang aktres dahil unti-unti nang natutupad ang kanyang mga pinapangarap lamang noon. Naging masinop sa pera si Karina at hindi basta-basta gumagastos mula nang makapagpundar.
Malapit nang mabayaran ng baguhang aktres ang kanyang nabiling lote sa Tagaytay. Ginagawa umanong inspirasyon ni Karina ang kanyang naipundar upang pagbutihin pa ang ginagawang mga trabaho. “Nag-down payment ako na almost more than half pero may konti pa akong babayaran. I’ve always paid in advance. Three months advanced so nakakapagpahinga ako tapos talagang iniipon ko pa siya until nabayaran ko siya. I will make it as inspiration na I will wake up every day na alam kong may pupuntahan ‘yung trabaho ko. So mas lalo kong dapat galingan at sipagan. Gagalingan natin para may next work pa tayo,” nakangiting pahayag ng dalaga. (Reports from JCC)
- Latest