Naranasan na ni Ronnie Alonte na maglasing ng isang buong linggo. Nangyari raw ito noong mga panahong pansamantala silang nagkahiwalay ng kasintahang si Loisa Andalio. “Naghiwalay kami mga one week. Tapos ‘yung one week na ‘yon, straight ako sa bar,” pagtatapat ni Ronnie.
Pagkalipas ng isang linggo ay napagtanto umano ng aktor na hindi ang paglalasing ang solusyon upang mapawi ang kalungkutang nararamdaman.
Mahigit anim na taon nang magkasintahan sina Ronnie at Loisa ngayon. “After mag-inom, masaya ka ng gabi pero kinabukasan malungkot ka na naman ulit. Pero napagtanto ko na baka tinapik lang ako. Lahat tayo nagkakamali. Sobrang laking pasasalamat ko sa mga kaibigan ko na hindi sila nanghusga. Naging balanced sila, kinausap nila ako nang maayos hanggang sa ako na mismo ‘yung bumalik sa kanya. Hindi dahil hinahabol niya ako. Ako pa rin ang lumapit talaga.
“Binalikan ko siya, nag-sorry ako. Inayos namin, pinag-usapan namin nang maigi. Lugmok na lugmok siya. Hindi na niya kaya humarap sa tao. Natatakot na siya, sinabi ko sa kanya, ‘Huwag ka matakot, kasama mo ako. Kapag lumabas tayo, lalabas tayo parehas nakaangat ang mukha, nakatingala.’ Ayun, tuluy-tuloy na, naging okay kami. After noon, hindi naman kami nawala. Naging blessed kami,” kwento ng binata.
Dahil sa paghihiwalay noon ay mas naging mas matatag pa umano ang relasyon nina Ronnie at Loisa. Para sa aktor ay normal lamang na nagkakaroon ng tampuhan paminsan-minsan pero agad naman daw silang nagkakasundo ng dalaga. “Alam namin na dadating din ‘yung time na may problema pang dadating sa amin. Sabi ko sa kanya, maging handa lang tayo,” pagtatapos ng aktor.
Julia, nag-aral magluto
Excited na si Julia Montes para sa Noche Buena bukas ng hatinggabi. Ang aktres umano ang maghahanda ng mga pagkaing ihahain para sa kanilang buong pamilya. “No’ng nakaraan kasi nag-aral ako kay Chef Reggie Aspiras ng whole course meal na pwede kong ihanda for Christmas. So meron siyang truffle lechon, sun-dried cream sauce na salmon na paella na mixed na ng meat and seafood. Tapos may samurai crepe, may roasted chicken. As in full course na meal,” pagbabahagi ni Julia.
Masaya raw sa pakiramdam ng aktres sa tuwing ipinagluluto ang mga mahal sa buhay. “’Yung truffle lechon kasi recently ‘yun ‘yung medyo na-master na namin ng family. So this Christmas ‘yon din ‘yung plano namin lutuin. Para ma-feel ng family ko ‘yung language ko talaga which is to serve. By cooking gusto ko ma-feel nila na ‘yung time ng Christmas at ng New Year kasama nila ako. And siyempre ‘yung way of showing ng love ko is ‘yung pagluluto. Maibibigay ko sa kanila on that special day. More than anything, hindi na ako siguro ‘yung ‘pag may masarap na food, iniisip ko na kung paano prinepare ng tao behind sa kitchen ‘yung food,” paliwanag niya. (Reports from JCC)