Nabigla rin kami sa aming nakitang litrato. Nagkaroon ng lunch meeting sa pagitan nina Charo Santos Concio, kasama ang kapatid niyang si Malou Santos, na parehong retired executives ng ABS-CBN, kasama sina Annette Gozon at Joey Abacan ng GMA.
Natural lang agad na papasok sa isipan mo basta nakita mo ang ganoon, may gagawing proyekto ang magkapatid na Santos para sa network nila Gozon. Hindi imposible, pero malabong ang GMA ang may gawin para sa mga Santos.
Nauna rito, may mga sinasabing nakikipagsosyo ang mga Santos sa ilang mga kumpanya rin para sa isang project na gagawin nila.
Mukhang masyadong malaki ang proyekto, at natural kailangan nila ang backup ng isang malakas na network, na wala sila ngayon dahil nawalan nga ng prangkisa ang ABS-CBN. Kung mangyayari, iyan na siguro ang pinakamatinding pagtalon mula sa Madre Ignacia papunta sa Kamuning.
Si Charo ay dating presidente ng ABS-CBN. Si Malou ang executive director ng Star Cinema, at panahon nila nang talagang matindi ang mga kumpanyang iyan.
May panahong halos kontrolado nila ang industriya ng pelikula. Kung iyong kanilang team ay bibigyan nga ng suporta ng pinakamalaking network sa ngayon, giant iyan. Basta sa ngayon, hindi natin alam ang kanilang usapan, pero ang sigurado, malaking proyekto ‘yan.
Parada ng MMFF, kulang sa superstars?!
Kulang ang dating sa amin ng Metro Manila Film Festival (MMFF) parade. Hindi namin pinanood iyon mismo, pero sa nakita naming television footage ng parada, mukhang malayo iyon sa mga nakaraang parada ng MMFF, o kahit na noong Manila Film Festival pa lamang noong araw.
Siguro nga dahil sinasabi nilang wala nang superstars ngayon. Hindi gaya noong araw na ang float ng mga artista ay makikita mong sinusuportahan ng kanilang fans. Nakasakay ang mga iyan sa bus, matiyagang sumusunod sa mabagal na usad ng parada.
Kumakaway rin sila sa fans na nanonood lang. May effect iyon sa pelikula, kung makikita ng iba na marami silang followers. After all kahit na sino ang tanungin ninyo, iyang first three day gross ng pelikula ay nakasalalay sa popularidad ng mga artista.
Hindi pa nila alam kung ano ang content ng pelikula, pero gusto nilang mapanood ang mga artista. Pagkatapos niyan kakalat na ang content at ang kalidad nito, doon na sila aangat o mababaon nang husto.
Siguro ang masasabi nating mga artistang may following sa parada ay sina Vice Ganda at Coco Martin na minsan nang nag-agawan sa pagiging top grosser. Pero napuna rin namin ang epekto sa kanila ng pagkawala ng kanilang network.
Hindi na sila napapanood sa telebisyon nang maayos, at natural may epekto rin iyan sa kanilang pelikula.
May isa pang float na tumakbo nang wala isa man sa main cast. Ano ang dahilan at wala silang lahat? Nawalan ba sila ng interest sa kanilang mismong pelikula?
Namayapa na, ginamit-gamit sa pelikula
Nakita namin ang comment ng isang kritiko, tungkol sa sinasabi niyang pinakawalang kuwentang float. Sabi niya “pati iyong patay na ginagamit pa nila sa pelikula nila. ”
Ang problema sa pelikulang tinutukoy ay may isang malaking political question. Pero kami man, naniniwala na parang in bad taste nga iyong nagamit pa iyong isang namatay na sa ganyang paraan, pero kanya-kanyang paniniwala kasi iyan eh. Isa pa, hindi nga maisasantabi ang pulitika kung minsan.