Louise, ayaw nang balikan ang madilim na nakaraan kay Aljur

Louise

Ang laki ng iginanda lalo ni Louise delos Reyes nang mag-promote siya sa programa namin sa DZRH ng pelikulang Deleter na entry ng Viva Films sa nalalapit na Metro Manila Film Festival.

In love si Louise sa kanyang boyfriend at halos limang taon na ang kanilang relasyon.

Nag-iipon pa lang sila, pero sa kasal na raw sila patutungo. “Kasi parang dumating na rin ako or kami sa age na ‘pag pumasok sa isang relationship, dapat merong pupuntahan,” saad ni Louise.

Pero sa aming tsikahan, nag-throwback muna kami nung panahong kainitan ng kanyang career sa GMA 7, na kung saan tinangkilik din ang mga drama series na pinagsamahan nila ni Alden Richards.

Hanggang ngayon ay magkaibigan sila ni Alden na nung panahong naba-bash siya ng AlDub fans, si Alden ang nagtatanggol para sa kanya.

Diretsahang tinanong namin si Louise kung nagkaroon ba siya ng pagmamahal noon kay Alden, ‘yung romantic na pagmamahal, na umasa ba siyang maging sila noon.

Sagot ni Louise: “Romantic level, siguro hindi. Kasi that time, may nanliligaw sa akin at ‘yun ang naging boyfriend ko. So, parang ano talaga. From the start iba na talaga ‘yung atensyon ko. Saka ‘yung level nung friendship namin, iba. Parang hindi talaga siya papunta dun.”

Naungkat na rin namin ang nakaraan nila ni Aljur Abrenica na nakasama niya sa Kambal Sirena na nag-iba ang mukha ni Louise, dahil ayaw na niyang balikan pa ang ‘di magandang karanasan niya noon kay Aljur. “Siguro kasi may masamang memories na kasama sa tao na ‘yun, na alam mo na hindi siya basta-basta… hindi ko siya nakalimutan. Pero ‘yung emosyon, wala na akong galit, wala na akong kahit na ano. Wala na talaga. Pero ‘yung experience lang, ano ‘yun e, dark times kasi. Kaya ayoko na lang i-associate, ayoko nang isipin ‘yun, move forward na lang tayo.”

Nilinaw din niya ang tungkol sa kanila noon ni Kylie Padilla, na may naglalabasang kuwentong nagkaroon ng matinding confrontation sa kanilang dalawa. “Never kami nagkaroon ng confrontation,” pakli ni Louise.

“Actually, after ng lahat ng ‘yun, nag-message kami sa isa’t isa, and pareho kami ng alam mo ‘yun, ‘yung naging estado na let’s move on, let’s move forward, naging magkaibigan naman tayo and let’s stay that way,” dagdag niyang pahayag.

Ayaw na lang niyang isipin ang negativity ng naging relasyon nila noon ni Aljur. “Trabaho na lang tayo,” pahayag ni Louise.

FF, nabalot ng matinding kalungkutan

Nabalot ng matinding kalungkutan ang taping ng Family Feud nung nakaraang Martes dahil isa sa naglaro roon ay ang aktor na si Andrew Schimmer.

Si Andrew ang leader sa team nilang Kakabakaba Adventures na dating weekly series ng GMA 7 nung taong 2004.

Si Dingdong Dantes ang director nito, at parang nag-reunion sila roon kasama ang ilang co-stars at kaibigan na sina Julie Lee, Kiel Rodriguez at Gayle Valencia. Ayon sa ilang napagtanungan ko, ang saya nilang lahat nang magkita-kita sila sa studio.

Magru-roll na raw sila para simulan na ang kanilang episode nang biglang nakatanggap ng tawag si Andrew mula sa St. Luke’s hospital na kung saan doon nakaratay ang partner niyang si Jho Rivero.

Sinabi raw sa kanyang, tina-try pa raw nilang i-revive si Jho. Nagpaalam ang aktor sa production staff ng Family Feud at naintindihan naman nila ito.

In-allow nilang umalis na si Andrew para tumakbo sa hospital. Naghanap na lang sila nang ipapalit, na mabuti at pumuwede naman daw ang isa pa nilang kasama at kaibigan ding si Benj Basa. Hinintay na lang nilang matapos ang antigen test nito at saka nila itinuloy ang taping.

Kalagitnaan ng taping, natanggap nila ang balitang tuluyan nang pumanaw si Jho.

Nag-iyakan silang lahat, sobrang lungkot daw ng episode na ‘yun, dahil ramdam nilang sobrang apektado si Andrew na malapit din sa kanila.

Sa January 2023 pa mapapanood ang episode na ito pero ikinuwento na rin ni Andrew sa kanyang Facebook account ang buong pangyayari nang pumanaw na ang kanyang partner na si Jho.

Ang amin pong pakikiramay kay Andrew at sa pamilyang naiwan ni Jho Rivero.

Show comments