Andrew, ginawa ang lahat para sa asawang pumanaw!

Andrew at Jho

Hindi na nakakabigla ang balita na ang asawa ng dating aktor na si Andrew Schimmer ay pumanaw na kamakalawa ng hapon. Sa kuwento mismo ni Andrew, nasa taping siya sa Channel 7 nang tawagan siya ng mga doctor ng kanyang asawa at sinabing delikado na ang lagay nito.

Iniwan niya ang taping, agad na nagbalik sa St. Luke’s at inabot nga niyang pinipilit na i-revive ng medical staff ang kanyang asawa. Alam naman ni Andrew, ginawa ng mga doctor ang lahat pero iyon na talaga ang end of the line ni Jho Rovero.

Matagal na rin namang may sakit si Jho. Mahigit na isang taon na siya sa ospital. Nailabas siya at naiuwi sa bahay nang ilang araw lang, tapos kailangan siyang isugod sa ospital pabalik ulit. Iyong naging sakit ni Jho, kailangan talaga nasa isang controlled environment siya tulad ng ospital.
Malaki na rin naman ang hirap ni Andrew. Napakalaki ng gastos sa ospital. May mga kaibigan siya at mga kapwa artista na tumulong na sa kanyang napakalaking gastusin, pero palagay namin kulang pa rin.

Ginawa naman ni Andrew ang lahat nang magagawa niya.

Ang masakit nga lang, binawian pa ng buhay si Jho kung kailan ilang araw na lang ay Pasko na. Pero ganoon talaga ang buhay, hindi natin alam kung kailan darating ang katapusan, kaya kailangang lagi tayong handa, at habang nabubuhay tayo ay maging masaya tayo at tandaan, laging may awa ang Diyos.

Ate Vi, may sariling kuwarto ang mga trophy

The good news that we heard, kahit na raw opisyal nang lumipat sa Kamuning si Boy Abunda, siya pa rin ang mag-iinterview para sa 60th year special ni Ate Vi (Vilma Santos). Mismong ang producers noon ang nagbigay ng kumpirmasyon. Iyon kasing special ay ilalabas sa February ng ABS-CBN.

Sa parte raw ni Boy, sinasabi naman niyang saan man siya mapunta ay gagawin niya ang special.

Teka, madadagdagan na naman pala ang pagkilala kay Ate Vi. Mukhang bibigyan siya ng isang special achievement award ng Metro Manila Film Festival, dagdag na naman iyan sa listahan ng kanyang awards.

Dapat kay Ate Vi, maglaan pa ng isang kuwarto ulit na lalagyan ng kanyang trophies.

Punung-puno na ang kanyang trophy room. Mabuti na lang siya may sariling bahay. Kung gaya ng iba na palipat-lipat lang, magkakandawala-wala ang trophies na napanalunan niya at ipinagkaloob sa kanya bilang pagkilala.

Mga pekeng artista, pantapal sa provincial shows

May nagtatanong sa amin, totoo raw ba iyong nasulat naming tansuan sa provincial shows?

Ibig sabihin may mga hindi tunay na artista na isinasama sa shows na iyon? Aba, eh basta tinanggap sila ng organizers, artista man sila o fake, problema na iyon ng nagpapa-show. Pero totoo iyon.

Kukulangin sa napag-usapang casting, dadampot iyan kahit na sino para lang makumpleto.

Ito pa ang maganda, kakanta ang mga fake, walang kaalam-alam ang mga tao na ang nili-lip synch noon ay original na plaka, hindi na nila boses iyon. Marami kaming alam na gumagawa niyan.

Show comments