Arci, natutong lumaban

Arci Muñoz

Simula mamayang gabi ay mapapanood na sa TV5 ang The Brilliant Life A Yuletide Inspiration na pinagbibidahan ni Arci Muñoz. Isa itong mini-series tungkol sa istorya ng buhay ni Glenda dela Cruz Victorio na founder at CEO ng Brilliant Skin. “Marami na nag-offer sa akin na gawin ‘yung life story ko. That time I think hindi pa ako ready. Ngayon lalo na Pasko, maraming tao ang gustong malaman kung ano nga ba ang buhay ni Miss Glenda. Ngayon, wala na akong itinago, pinakita ko na lahat. Makikita n’yo rin ‘yung sagot sa tanong na, ‘Paano niya kaya kinaya?’ Ginawa ko ito to inspire other people,” nakangiting bungad ni Glenda.

Pumanaw ang ina ni Glenda sa mismong araw na katatapos pa lamang ng taping para sa serye. Ayon sa young entrepreneur ay hindi na niya nakausap ang ina bago ito namatay. “Noong day na natapos kami ng shoot, namatay ‘yung nanay ko. Namatay ‘yung nanay ko na hindi kami nagkausap. Pero masayang-masaya ang puso ko dahil totoo naman, matagal ko na siyang napatawad. Wala akong regrets kasi alam ni Lord kung ano ang nasa puso ko. Ngayon, maluwag ang pakiramdam ko sa lahat ng bagay,” emosyonal na pahayag ni Glenda.

Si Arci ang napiling gumanap bilang si Glenda sa bagong mini-series. Marami ang nagsasabing malaki talaga ang pagkakahawig ng dalawa. Napahanga at naka-relate umano ang aktres sa pagiging madiskarte at matatag ni Glenda. “Naka-relate po ako kay Miss Glenda kasi pareho kaming very persistent. Hindi talaga kami susuko hangga’t hindi namin nakukuha ‘yung gusto namin. ‘Yung nakita ko sa kanya very inspiring. Kasi ako at the age of 34… she’s just 25. So I’m at my age where I should be like at the standard age of settling down. Some people were asking me, ‘Ano ba ‘yan, Mona? Ang tanda mo na.’ Pati tuloy ako, sabi ko, ‘Maglagay na ba ako ng pressure sa sarili ko?’ And when I did her life story, I was like, ‘Hala! Oo nga, dapat may pressure na ako sa buhay ko,” paglalahad ni Arci.

Maraming mga bagay ang natutunan ng aktres mula kay Glenda. “Actually, she’s very strong. “While we were shooting, I was like, ‘She’s been through all these?’ Made me realized na I have a long way to go. So much realization, hindi ako pinatulog. Naiisip ko ‘yung mga bagay na pinagdadaanan ko. Ang dami ko pang aspirations, ang dami ko pang gustong ma-achieve and because of you (Glenda),” mensahe ni Arci kay Glenda.

Si JM de Guzman ang gumanap bilang si Mac Victorio na asawa ni Glenda. Isang malaking karangalan para sa aktor na mapili para naturang proyekto. “Honored and masaya dahil napaka-ins­piring ng buhay nilang mag-asawa. Hindi dapat sumuko kahit anong challenges na dumating. Harapin lang at ituloy ang pagkamit sa pangarap. Masaya po ako na nakagawa kami (ni Arci) ng serye. Sobrang gaan po katrabaho ni Arci,” maikling pahayag ni JM.

Samantala, ang Star Magic artists na sina Hannah Vito at Marc Santiago ang mga guma­nap bilang magkapatid na batang Glenda at Keng. Isang masayang karanasan para kina Hannah at Marc na makapagbida sa mini-series. “This is the first time po kasi na I portrayed a young lead role. I felt pressured because usually baby roles lang po nakukuha ko. Maybe iba na ‘yung expectations for me. At the same time, I feel honored to be the one to play the young Glenda and to be the one to tell her story. Sobra akong humanga sa kanya. She’s an inspiration to many. I will always be grateful for this opportunity,” nakangiting pahayag ni Hannah.

“Masaya and honored po to be chosen to play the role of Miss Glenda’s brother. Maraming lear­n­­ings and one of those is to never give up and keep going. May biyaya sa sipag at tiyaga. ‘Yan po ang brilliant life nating lahat,” dagdag naman ni Marc.

Kabilang din sa bagong proyekto na pamaskong handog ng Cignal Entertainment at TV5 sina Karen Reyes, Axel Torres, Eli Padilla at Lui Manansala. Mapapanood ang The Brilliant Life A Yuletide Inspiration na ginawa ni Direk Nick Olanka sa Dec. 17, 24, 31 at Jan. 7, 6:00 p.m. (Reports from JCC)

Show comments