Hindi na takot sa virus ang comedy icon / artist na si Joey de Leon.
Sundot lang sa ilong ang katapat, basta isang guhit, nakakatulog na siya ng matiwasay sa gabi.
Nagbabalik sa Metro Manila Film Festival si Joey, sa pelikulang My Teacher, na pinagbibidahan nila ni Toni Gonzaga.
Pero aminado siyang natakot siya sa virus nung umpisa ng pandemic.
“Natakot siyempre. Parang third world war na ‘yun, buong mundo ‘yun, hindi lang Pilipinas,” sabi niya kahapon.
“Ngayon medyo nakakabangun-bangon na tayo, konting sundot ng ilong, isang guhit, ayos na,” kuwento niya na ang tinutukoy ay ang antigen test na isang mabilis na paraan para ma-detect kung may virus ka o wala.
“Sa bahay marami ka nang mask, pang-testing. Bago matulog magte-test ka muna. Pag isang guhit lang, ang sarap ng tulog mo,” dagdag niya.
Nagpapasalamat naman siya na hindi siya nagkaroon ng COVID. Though sa kanilang bahay ay may ilang nagkaroon nito.
“Sa bahay may mga nagka-covid. Pero wala, parang lagnat na lang,” sabi niya na pag naka-isolate raw ay nagsisigawan lang sila.
Samantala, dahil matagal-tagal na rin siyang ‘di gumawa ng pelikula, aminado siyang na-miss niya ito.
Kaya nang mabasa niya ang kuwento ng My Teacher, nag-yes siya na malaking factor na hindi kasali si Vic Sotto sa MMFF.
“Nabalitaan ko na hindi gagawa si Vic ng pelikula. Hindi siya gagawa, so sabi ko, ‘sayang,’ so pinili ko ‘yung kay Toni.
“Actually, ang daming offers, eh. Hindi, meron talaga. Pero hindi na ako nagpepelikula, eh. Semi-retired na ako,” paliwanag niya kung bakit pumayag ulit siyang gumawa ng pelikula.
“So, ‘yun ang istorya. Saka, maganda ‘yung istorya ni Paul and Toni, madrama, and binigyan ako ng free hand ni direk na sumundot sa (comedy). Hindi ko matiis na hindi magpatawa, eh,” kuwento niya pa.
Bukod pa sa talagang na-miss din daw niya ang sitcom na Iskul Bukol na tungkol din sa school.
Gusto rin aniya ang mga kasama niya rito aside from Toni tulad nina Ronnie Alonte and Loisa Andalio, Pauline Mendoza, Kych Minemoto, Isaiah dela Cruz, Hanna Arguelles, and Carmi Martin.
Na bago raw sila nag-start ng shooting ay nag-google na niya ang mga ito kaya familiar na siya.
Anyway, nabanggit din niyang wala siyang hilig sa pulitika kaya naman ‘di siya apektado ng mga basher.
Kaya nga raw lagi niyang pinapayuhan si Toni na dedmahin lang ang mga ito na ginagawa naman ni Toni.
“Nagtataka nga ako hanggang ngayon nang-aaway pa,” aniya tungkol sa bashers.
“Lahat kasi ngayon artista, lahat may plataporma, kumabaga, everybody is a star, everybody has a program,” kaya raw lahat ngayon may sinasabi.
Si Toni ang teacher sa pelikulang dinirek ni Paul Soriano na mag-uumpisang mapanood sa Christmas Day. Si Joey ang senior citizen na nagbalik sa ekuwelahan na nagiging trend sa kasalukuyan.