Makikipagsabayan ang aktor na si Nico Antonio sa mga beteranong Korean actor sa kanyang pagganap sa upcoming Korean action series na Big Bet na mapapanood worldwide simula Dec. 21 sa streaming app na Disney+.
Makakasama ni Nico sina Choi Min Sik (Old Boy), Son Suk-ku (The Outlaws 2), Lee Dong-hwi (The Extreme Job), Heo Sung-tae (Squid Game) at Kim Joo-ryung (Squid Game) sa naturang Disney+ original series tungkol sa hari ng casino na si Cha Mu-Sik (Min Sik), na iikot ang mundo matapos masangkot sa isang murder case.
“Ako dito si Mark Flores, isang CIDG operative na naatasang imbestigahan ang mga nangyayaring pagpatay sa Korean citizens dito sa Pilipinas,” sabi ni Nico tungkol sa kanyang role sa action series.
January nitong taon nang mag-audition si Nico para sa Big Bet. Ang tanging alam niya lang noon ay nag-o-audition siya para sa isang Korean project.
“Wala ako idea kung ano tong pinag-aauditionan ko until I had a callback and yun na, no other than director Kang Yoon-sung met with me and explained to me the role,” pagsariwa ni Nico.
“Doon ko na din narealize na importante pala yung role na inaudition ko.”
Si Nico ang pinakaunang Pinoy actor na pinatawag at cinast ng director na si Yoon-sung.
“I saw Nico’s natural acting. I have seen some of Nico’s acting footage and I believe he knows what good acting is about. He knows it,” sabi ni Yoon-sung.
Sa isang interview, binunyag ni Yoon-sung na ang kwento ng Big Bet ay inspired sa kakilala niyang Korean casino owner sa bansa. Matapos makilala ang mga tao sa paligid nito, naisipan niyang gumawa ng kwento at gawin itong isang drama series.
“I always wanted to work on a drama series, featuring a long story. And I thought delivering Big Bet with two different parts was an appropriate choice for the viewers to enjoy the series,” sabi ni Yoon-sung.
Nang tanungin tungkol sa kanyang experience, inilarawan ito ni Nico bilang “challenging yet fulfilling” lalo pa kung isa kang Pinoy actor na nakakatrabaho ang ilan sa pinaka-professional na mga aktor at pinaka-experienced na production crew.
“You have to be on your toes always. ‘Yung mga aktor na katrabaho ko lahat sila ready pagdating sa set.”
Samantala, pagdating naman sa pakikipag-eksena kay Min Sik na isa sa iniidolong aktor ni Nico, masasabi niya na magaan itong katrabaho. “Dama mo rin talaga na in character siya kaya dapat attentive ka rin sa character mo.”
Overall, proud si Nico hindi lang sa kanyang performance kung hindi sa lahat ng kapwa Pinoy actors niya na naging bahagi ng Big Bet.
“Hindi naman tayo napahiya. Naitayo naman natin ang bandera ng Pilipinas,” sabi ni Nico.
Maging ang direktor na si Yoon-sung ay masaya sa naging performance ng mga Pinoy actor lalo na kay Nico. “I’m very happy to work with Filipino actors and staff for three months. I couldn’t make this series without their dedication,” aniya. “(Nico) definitely did well. I could imagine who Mark was when Nico first played his role in shooting. He is an amazing actor.”
Ang Big Bet ang pinakamalaking acting break to date ni Nico matapos ang kanyang 19 years sa showbiz.
Nagsimula siya bilang talent sa Panday na pinagbibidahan ni Jericho Rosales, at patuloy gumanap sa iba’t ibang papel sa telebisyon at maging sa mainstream at independent cinemas. Isa sa pinakatumatak niyang roles ay ang karakter ni Tolayts sa top rating ABS-CBN serye na On the Wings of Love.
Lingid sa kaalaman ng marami na si Nico ay nag aral ng abogasya sa San Beda College at San Sebastian College at nakapagtapos ng AB European Studies sa Ateneo De Manila University.
“Minsan ko ng pinag-isipan noon kung law o acting ba ang ipu-pursue ko pero acting talaga ang sinisigaw ng puso ko,” sabi ni Nico.
Tila tama naman ang kanyang naging pasya dahil ang Big Bet ay isa lamang sa tatlong international projects na kanyang ginawa at mapapanood soon sa tatlong magkaibang giant streaming platforms.
Mapapanood ang Big Bet ngayong Dec. 21 na sa Disney+.