MANILA, Philippines — Inaprubahan ng isang korte sa Lungsod ng Taguig ang petisyon ng aktor na si Vhong Navarro na makapaghain ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan kaugnay ng kasong panggagahasa.
Ito ang ibinahagi ng Taguig City Regional Trial Court Branch 69, bagay na isinapubliko ngayong Martes kahit una nang sinabing "no bail recommended" para sa kaso ng komedyante.
Related Stories
"WHEREFORE, premises considered, the petition for bail is hereby GRANTED," ayon sa 17-pahinang dokumentong nilagdaan ni presiding judge Loralie Cruz Datahan noong ika-5 ng Disyembre.
"The bail of the accused for his provisional liberty is hereby fixed at One Million Pesos (Php 1,000,000.00)."
Matatandaang kinailangan pang maghahain ng naturang petisyon sa korte dahil karaniwang non-bailable offense ang rape sa Pilipinas. Umabot sa limang bail hearings patungkol dito bago makapaglabas ng desisyon.
Ika-19 ng Setyembre ngayong taon lang nang sumuko sa National Bureau of Investigation si Vhong, kilalang host ng "It's Showtime," matapos maglabas ang korte ng warrant of arrest dahil sa hiwalay na kasong "acts of lasciviousness."
Matatandaang inirekomenda noon ng korte ang piyansang P36,000 kaugnay ng isa pa niyang kaso.
Nobyembre ngayong taon lang nang ilipat ng NBI si Vhong sa Taguig City Jail sa kabila ng pagtutol ng kanyang pamilya dulot ng mga diumano'y natatanggap na "banta sa buhay." — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag