Magtatatlong dekada nang nasa pangangalaga ng Star Magic si Kaye Abad. Hindi man masyadong aktibo sa show business ngayon ay hindi raw kailan man naisipan ng aktres na lumipat sa ibang talent management firm. “Thank you to my Star Magic Family. Hindi ko na kailangan patunayan sa inyo kung gaano ko kayo kamahal, because never pumasok sa isip ko na iwanan kayo,” pahayag ni Kaye.
Bago ikasal noong 2016 kay Paul Jake Castillo ay nagpaalam na raw ang aktres sa Star Magic Head ngayon na si Laurenti Dyogi. Matatandaang si Johnny Manahan ang dating Head ng Star Magic. Binalak daw ni Kaye noon na tumigil na sa pagiging artista. “May instance noong nagpaalam ako sa ‘yo bago ako ikasal, titigil na ako. But nandito pa rin ako. To Lolo LMD (tawag ni Kaye kay Direk Lauren), thank you. Isa ka sa mga tao na kahit before, before pa ako mag-Tabing Ilog, isa ka sa mga taong naniwala sa kakayanan ko,” dagdag ng aktres.
Kasalukuyang nakabase sa Cebu si Kaye kasama ang kanyang buong pamilya. Maglilimang taong gulang na ang panganay nina Kaye at Paul Jake na si Pio Joaquin. Mahigit isang taong gulang naman ang kanilang bunsong si Iñigo. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto na muling magtrabaho ni Kaye. “I hope to be back soon. Kung hindi ako mabubuntis ulit, joke! Joke lang, ayoko na,” natatawang pagtatapos ni Kaye.
Kapatid ni Maja na si Jessie, pinasok na rin ang showbiz
Hindi naging madali para kay Jessie Salvador ang pagpasok sa show business. Nakababatang kapatid sa ama ni Maja Salvador ang baguhang aktres. Magsasampung taon na raw ang nakalilipas nang unang sumubok sa pag-aartista ang dalaga. “Hindi lang po talaga nagwo-work. Baka hindi talaga siya para sa akin, gano’n po ‘yung pumapasok sa isip ko. Nag-i-extra pa nga po ako dati sa MMK (Maalaala Mo Kaya). And then naisip ko na lang na mag-aral na lang ako. Pagka-graduate ko po ito na po, may Crown Artist Management na,” bungad ni Jessie.
Ang Crown Artist Management ay ang talent management company na pag-aari ni Maja. Isa si Jessie sa mga talent ng naturang kumpanya. Talagang suportado raw si Jessie ng kanyang ate kahit noon pa man. “Siya din naman ang nagsasabi na huwag ko daw iisipin ang sasabihin ng ibang tao, ‘Basta si ate, nandito lang ako palagi.’ Willing po, sobra po. Kaya ito ngayon sa Crown parang deadma na talaga ako sa maririnig ko. ‘Okay ka lang ba? Kapag pinapakilala kang sister ni Maja Salvador?’ Siyempre okay na okay ‘yon, pero medyo nakakahiya pa rin,” nakangiting kwento ng dalaga.
Masayang-masaya naman si Jessie sa lahat ng suporta na ipinararamdam o ibinibigay sa kanya ni Maja. Palagi rin umanong pinapaalalahanan si Jessie ng kanyang ate pagdating sa trabaho. “Kung gaano ako kasaya, mas masaya si ate. Nakakaiyak kasi, nakaka-proud lang. Lagi niya lang pong sinasabi sa akin na, ‘Kapag nandiyan ka na sa stage or nasa set ka, at may palabas kang gagawin, ibigay mo ‘yung one thousand percent mo.’ Kasi ‘di ba, hindi rin natin alam kung kailan ‘yung next,” emosyonal na pahayag ng baguhang aktres. (Reports from JCC)