Boss Vic, marami pang gagawin

Vic del Rosario

Tuloy ang paggawa ng mga de-kalidad na pelikula at iba pang content ng Viva Entertainment.

‘Yan ang pangakong binitawan ng Viva big boss na si Vic del Rosario sa kanyang virtual acceptance speech nang tanghalin ang film outfit bilang Producer of the Year sa katatapos na 5th The EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na idinaos sa makasaysayang Metropolitan Theater noong Nov. 27.

Mula sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic hanggang 2021, hindi tumigil ang Viva sa pagpoprodyus ng mga materyal para sa entertainment ng maraming Pilipino na nakulong sa bahay.

Nag-adapt din ang kumpanya sa malaking pagbabago sa landscape ng entertainment sa pamamagitan ng pagbubukas ng online streaming platform na Vivamax, na nagbigay daan sa mga bagong bituin gaya nina AJ Raval, Christine Bermas, Angeli Khang, Ayanna Misola at marami pang iba.

Ngayong 2022, Viva rin ang bukod-tanging namayagpag sa takilya nang ipalabas sa mga sinehan ang blockbuster movie na Maid in Malacañang na dinirehe ng controversial director na si Darryl Yap.

Tumabo ng halos P1 billion ang pelikula na pinagbidahan nina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Ella Cruz, atbp. mula sa screenings dito at sa iba’t ibang parte ng mundo.

Sinimulan na rin ang shooting ng part 2 nitong Martyr or Murderer (MoM), na senyales ng pagbabalik-showbiz ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa papel ni former Sen. Ninoy Aquino. Nasa cast din ang MiM originals na sina Cesar at Ruffa habang sina Jerome Ponce (bilang batang Ninoy), Marco Gumabao (bilang batang Ferdinand Marcos Sr.) at Cindy Miranda (bilang batang Imelda Marcos) naman ang mga bagong addition dito.

Bukod sa MoM, aktibung-aktibo naman ang Vivamax sa paghain ng iba’t ibang original movies for streaming.

Solong horror entry naman ang Viva film na Deleter sa nalalapit na Metro Manila Film Festival sa Dec. 25. Pinagbibidahan nina Nadine Lustre, McCoy de Leon, Louise delos Reyes at Jeffrey Hidalgo ang obrang ito ni Direk Mikhail Red.

Sa kanyang acceptance speech, sinabi ni Boss Vic na, “Maraming salamat sa lahat ng bumubuo ng EDDYS sa pagkilala sa Viva bilang movie Producer of the Year. Maaasahan n’yo na patuloy pa rin ang Viva sa paggawa ng mga quality content para sa mga Pilipino saan man sa mundo. Mabuhay ang pelikulang Pilipino.”

Show comments