Jerome, angat sa trolls!

Jerome Ponce

Hindi naman siguro masasabing napikon, pero tama lang naman ang sinabi ni Jerome Ponce sa troll na nagsalita sa kanyang “mukhang walang-wala ka na” dahil sa isang role na tinanggap niya.

Ang sagot lang naman ni Jerome, “bakit hindi ka maghanap ng trabaho, baka may umaasa sa iyo.”

Magandang pa­ngaral iyon, kasi ang pagiging isang troll ay trabaho lamang ng mga walang magawa sa buhay. Pero lately dahil nga sa pulitika, naging “propesyon” na yata nila ang pagiging troll. May quota sila kung ilang post ang gagawin nilang paninira sa mga kalaban, at pagpuri sa mga amo nila, at iyon ang batayan ng bayad sa kanila.

Kaya nga ang trolls, hindi lang isa kundi maaaring isandaan pa ang account na hawak ng mga iyan, gamit ang iba’t ibang pangalan. Kaya nga kung tawagin ay “troll farm.”

Bukod sa paninira, ang trolls o “Internet bandits,” ang siya ring responsible sa pag-hack ng accounts at paggamit doon para mangutang sa ibang tao. Swindler din sila in effect. Kaya nasa atin na iyan kung papaano iba-block  ang mga ganyan.

Si Jerome, kaya lang naman siguro sumagot, ayaw niyang palampasin ang ganun, dahil marami nang trolls ang naninira sa kanya.

May nagsasabi pang ang tagal na raw niya sa show business pero hindi umuusad ang career dahil hindi marunong umarte. Eh sino ba ang marunong umarte, iyong nagbabayad para magkaroon ng acting awards?

Mas maraming producers ang kumukuha kay Jerome. May mga pelikula siya sa Regal, sa Star Cinema, ngayon sa Viva at iyan ay hindi mga hotoy-hotoy na kumpanya ng pelikula.

Kukunin ka ba niyan kung hindi ka maru­nong umarte? Kukunin ka ba riyan kung hindi ka naman makakabatak ng mga manonood ng pelikula?

Ang internet bandits ang wala talaga sa ayos.

Divina, dedma sa mga nanlait

Tingnan din ninyo ang beteranong aktres na si Divina Valencia, tumanggap ng parangal bilang isang Icon ng Philippine Cinema mula sa The EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd). Hindi nila matawaran ang kakayahan at naging popularidad ni Divina noong kanyang panahon, dahil mga troll nga sila, ang pinuna naman ay iyong damit na suot niya na pinintasan nang katakut-takot.

Pero tama naman si Divina. Doon sa okasyong iyon, pinarangalan siya bilang isang aktres, at hindi naman bilang isang fashion model. Kung saang damit siya kumpor­table, iyon ang isusuot niya.

Ano ang gusto ninyo, kagaya ng mga trying hard na nakadamit nga nakabuyangyang naman pati na kaluluwa?

Kaya nga pati ang couturier at beteranong fashion consultant na si Bobby Yalong, nagsabi kay Divina na huwag na lang pansinin at ok naman ang suot niya.

Disente naman iyon, at hindi galing sa ukay-ukay.

Iyon nga lang, negosyo ng trolls iyan eh. Baka naman may iniaalok silang damit kay Divina na hindi pinatulan ng aktres.

Baguhang male star, ipinangregalo kay direk

Hindi naman siya ibinalot sa isang gift wrapper, o nilagyan ng ribbon, pero ang isang baguhang male star daw ang ginawang “birthday gift” sa isang “director na walang pelikula.”

Ganoon naman ngayon eh, ang daming tinatawag na “direk” kahit na ang dinidirek lang naman noon ay ang garbage collection sa barangay.

Dahil “direk,” nagkakaroon ng access sa mga baguhang madaling mabola, at pumapayag maging birthday gift, pero siyempre with pay.

Ang negosasyon, nangyayari rin sa pamamagitan ng Internet.

Maging ang aming trabaho ay ginawang madali ng internet, pero hindi namin masasabing napakaganda nga ng medium dahil sa mga nangyayari ngayon.

Show comments