Alden, may inamin sa nakaraan nila ni Maine
Ngayon lumabas na ang katotohanan mula kay Alden Richards mismo na hindi niya niligawan si Maine Mendoza. Aminado naman siya, naging close na magkaibigan sila ni Maine, tumaas ang kanyang popularidad dahil sa kanilang love team, sa tingin naman niya ay maganda at mabait ang ka-love team, pero may isang katotohanan. Hindi nga siguro si Maine ang type niya.
Para sa insiders sa show business, hindi na nakakagulat ang rebelasyong iyan. Alam naman ng insiders na hindi talaga nanligaw si Alden kay Maine. Lahat iyon pakulo lang, kaso nga nag-click ang pakulo. Ni walang intention na bumuo sila ng love team. Ang pasok ni Maine ay bilang yaya ni Lola Nidora. Nagpaka-kikay lang siya sa kanyang role minsan, na kunwari ay kinilig siya nang makita si Alden, nag-click kaya nagkaroon na ng love team nang hindi sinasadya.
Pero tama si Alden eh. Hindi dahil sa naging magka-love team kayo at nag-click dapat magligawan na nang totohanan. Iba iyong role, make believe lang iyon eh. Kaya nga ang tawag sa kanila ay “artista” ibig sabihin umaarte lamang. Iyong fans naman, tagahanga lamang. Humahanga sila sa kakayahan sa pag-arte ng artista.
Humahanga sila sa hitsura ng mga artista, pero wala silang pakialam sa buhay ng artista. Hindi maaaring diktahan ng fans kung ano ang gagawin, lalo na ang damdamin ng mga artista.
Kaya ang paniwala namin, tama naman si Alden kung hindi man niya niligawan si Maine noon, eh hindi niya type eh.
Mga hubarang pelikula, walang pag-asa sa maraming sinehan
Saklaw ng batas na lumikha sa MTRCB ang lahat ng pelikulang ipalalabas sa mga sinehan. Hindi lang iyan, basta sinabing “for public exhibition,” kagaya ng telebisyon, cable at pati video, ay dumadaan sa MTRCB. Iyong internet pa lang ang hindi dahil ang classification niyan ay private communications pa. May pribilehiyo. Pero dahil sa nagbabayad na para mapanood ang mga pelikula sa internet, bukas na iyan sa publiko, ibig sabihin amyendahan lang ang batas, sakop din dapat iyan ng MTRCB.
Habang hindi pa, magkaroon na tayo ng classification. Iyong mga pelikulang ayaw nilang pakialaman kahit na anong halay, ipalabas nila sa internet. Huwag na silang mag-ambisyong isali sa festival o maipalabas sa sinehan. Kasi dadaan iyan sa MTRCB. Kung dumaan iyan sa MTRCB, dapat ang producers niyan at ang director ay handang putulan ang kanilang pelikula. Kailangang tabasan nila ng mga eksenang itinuturing na delikado ng MTRCB.
Kaya nauso iyong mga “dugtong” noong araw. Bago nila ipa-review sa MTRCB, “nililinis na nila.” Inaalis na nila ang mahahalay na eksena. Pero ‘pag ipapalabas na iyon sa mga sinehan na inaakala nilang hindi naman mapapansin ng MTRCB, ibinabalik nila ang mahahalay na eksena. Idinudugtong ang putol. Iyon nga lang, basta nahuli naman ang dugtong, yari sila.
Pero papaano nga ba mahuhuli ng MTRCB, eh ilan lang ba ang members noon? Gaano karami ang sinehan sa buong Pilipinas? Eh kung sa airport nga, ang liit ng lugar, libong tao ang security, nalulusutan pa, eh iyan pa bang MTRCB na iilan lang sila?
Marami naman sa kanilang mga deputy nanonood lang ng libreng sine at ni hindi binabasa ang permit na nasa sinehan.
Pagiging ‘movie queen’ ni Bea, hindi na ramdam
Ang daming controversy, at ang tagal na hinintay ang serye ni Bea Alonzo, tapos ni hindi namin namamalayan matatapos na pala. Hindi namin naramdaman iyong sinasabi nilang “movie queen” si Bea. Baka nga sa pelikula ok pero iyong serye, hindi namin naramdaman.
Kaya siguro bumili na siya ng bahay sa Madrid, baka nagbabalak na rin siyang magpahinga roon dahil dito naman hindi na ganoon kainit ang kanyang career, kaya hindi na kailangang mamalagi siya rito.
- Latest