Naku, Ateng Salve, nainggit ako kina Raymond Gutierrez at sa bunso ni Ruffa Gutierrez na si Venice, huh!
Pareho kasi silang nakaalis na pa-Amerika para sa Thanksgiving Day roon.
Si Mond, umalis na ng ‘Pinas noong Wednesday evening at nang mag-message ako sa kanya kahapon ay nasa San Francisco, California na siya.
Ang sweet nga dahil sinundo siya ng partner niyang si Robert William, huh!
Ilang weeks din silang hindi nagkasama dahil kahit nagbakasyon dito sa ‘Pinas si Robert ay nauna naman itong bumalik sa Amerika. Bale 14 weeks ding nagbakasyon sa ‘Pinas ang partner ni Mond at kuwento nga niya, “We went to Boracay. Nagustuhan niya. We went to Singapore rin.”
Pero kahapon nga, magkasama na naman sila at ang pamilya ni Robert sa Thanksgiving Day dinner. Taga-Bay Area kasi ang pamilya ng partner ni Mond, kaya nag-decide sila na mag-celebrate na lang doon.
Eh, Ateng Salve, may big sale sa Amerika after ng Thanksgiving Day na ang tawag ay Black Friday Sale, so, balak ni Mond na mag-shopping muna sila dahil maraming mura talaga. “Yeah, so we might go shopping na rin. Then on Saturday, mag-drive na kami pa-LA,” kuwento pa ni Mond.
Naku, ang sarap mag-drive from San Francisco to LA dahil sa Freeway 101 ay scenic talaga ang daan. Ang daming lugar na puwedeng mag-stopover at mag-picture-picture, huh! Maganda rin kung dadaan sila sa Santa Barbara o kaya naman sa Solvang.
Anyway, kung si Mond ay sinundo ng kanyang partner na si Robert sa San Francisco, pagdating naman ni Venice sa Los Angeles, si Lorin ang susundo sa kanya. Isang friend ni Lorin ang magda-drive at sa condominium unit ng pamilya Gutierrez sila mag-i-stay. Long weekend, kaya ang daming gagawin ng magkapatid.
Kuwento ni Ruffa kahapon, “Sad, hindi ako nakapaghatid kay Venice, we’re taping for M.O.Ms (Mhies on a Mission) ng AllTV and I’m shy naman na magpaalam to make hatid. Regular taping day naming tatlo nina Mariel (Rodriguez-Padilla) at Ciara (Sotto) today (Thursday). I have to read my script and we’re rolling na in a while.”
Pero kahit naman nagbabasa ng script si Ruffa, it doesn’t mean naman na ‘yon talaga ang sinasabi nila dahil guide lang daw nila ‘yon. Sa daldal nila ni Mariel at nasasanay na rin sa kanila si Ciara, aba, hindi na nila kailangan ng script for M.O.Ms na magpa-pilot telecast na sa new Channel 2 (AllTV) on Monday, 11:00 a.m., huh!
Jake, abala sa MMFF
Nakakaloka talaga ang panahon ngayon, madalas ay umuulan, pero kahapon, ang init naman. Pero sabi nga, Ateng Salve, life goes on, lalo na sa ating entertainment press na sa ganitong panahon ay napakaraming mga event na pinupuntahan.
Kahit nga nakakahilo ang init kahapon, go pa rin ako sa presscon ng My Father, Myself nina Jake Cuenca, Dimples Romana at Sean de Guzman at si Joel Lamangan ang direktor.
Alam mo, Ateng Salve, type ko si Len Carillo ng 3:36 Media Network, at manager ni Sean, kaya go talaga ako sa presscon nila. In fairness to Len kasi, maasikaso siya sa entertainment press. Marunong din siyang mag-appreciate sa mga nagsusulat tungkol sa kanyang movies and talents.
Siyempre, si Jake ang isa sa mga pinuntahan ko sa presscon ng 2022 Metro Manila Film Festival entry na My Father, Myself dahil isa rin siya sa mga artistang sobrang bait din sa press, yumayakap pa siya at talagang nangungumusta.
Masarap interbyuhin ang mga showbiz personality na katulad ni Jake. At siyempre, inspirado kang i-promote ang kanilang mga project!
‘Yun na!