Kumpleto na sana sa budget...Anthony Taberna, tumangging mag-senador!

Anthony Taberna

Inamin ni Anthony Taberna na nakatanggap siya ng offer na kumandidatong senador noong nakaraang election pero hindi niya tinanggap.

In fact, plantsado na raw ang lahat pati ang budget sa kampanya, pero ‘di talaga ‘yun para sa kanya.

“Susulatan na po ‘yung tseke. Pero hindi po talaga. Sabi ko nga sa kanila, hindi ko po linya ito. I’d like to get involved in public service but not necessarily become a public servant,” kuwento ni Anthony na mas kilalang Ka Tunying kahapon para sa kanyang TV comeback sa All TV ng Channel 2 na Kuha All na isang public service.

At bagama’t, isang public service show ang Kuha All hindi aniya mala-Raffy Tulfo ang style nito na sumbungan ng bayan.

Pero lahat ng trending story ay hahabulin nila at kung nangangilangan ng tulong ay pupuntahan niyaa.

Magsisimula na ito ngayong Nov. 26 (Saturday) at 5pm.

Almost two years ding napahinga sa TV ang batikang broadcaster.

Nang magsara ang ABS-CBN ay hindi na siya ulit napanood sa TV pero hindi naman siya nawala sa radio dahil agad siyang nakalipat sa DZRH.

Inamin naman din niyang may offer siya noon sa TV5 pero hindi nag-materialize.

Pero nang kausapin siya ng All TV na pag-aari ng Villar Group ng pamilya ni former Senator Manny Villar, ‘di niya natanggihan.

Kuha Mo ang last show niya noong 2020 sa Kapamilya network.

“Actually po, hindi naman po ako talaga gigil na gigil na magbalik talaga sa telebisyon,” banggit niya.

“Dumating ‘yung pagkakataon na talagang sinabi kong ayoko na, eh. Gusto ko nang unahin ang pamilya ko, eh. Kasi, sobra pong exhausting po talaga ang magkaroon ng TV show/shows.

“Sobra pong exhausting, sobrang time-consuming, sobrang stressful, pagka may mga gusto ka na hindi mo makukuha,” dagdag pa niya.

Aniya, masaya na rin sana siya sa mga kinikita sa kanyang social media platforms at idagdag pa ang kanyang Ka Tunying’s Cafe na pa­dagdag nang padagdag ang branch.

Pero ‘di niya kayang tanggihan ang offer ng ALL TV.

“Sabi ko ‘lakihan n’yo sweldo n’yo sa akin, kasi kung hindi n’yo lalakihan ang sweldo nyo sa akin, eh magyou-YouTube na lang ako.’ Ayun, kaya nilakihan ‘yung ano (talent fee) ko.

“They gave me an offer that I couldn’t refuse. Eh sino naman ako para tumanggi?”

Though walang talent fee reveal, kaya pahulaan kahapon kung gaano kalaki ‘yun.

Inamin din nito sa media conference kahapon na ginanap sa Sixty-Four restaurant ng Evia Lifestyle Center, Daang Hari, Almanza Dos, Las Piñas City, na talagang nagkaroon nga ng pag-uusap sa pagitan niya at ng TV5 pero hindi natuloy.

“No offense but with the current plans ng AllTV ngayon, tingin ko, blessing in disguise na nandito po ako sa AllTV at hindi nagkatuluyan du’n sa TV 5.

“Uulitin ko, no offense naman, ano? And I fully respect MVP (Manny V. Pangilinan of TV5) pero tingin ko ay may magandang dahilan kung ba’t hindi kami nagkatuluyan and maybe this is for the good of everyone, lalo na sa career ko at sa management din ng AllTV. Napakagandang maging parte ng bagong Channel 2.”

Samantala, inulit ni Ka Tunying na cancer-free na ang anak nila ni Ms. Rossel na si Zoey Taberna pagkatapos ng mahigit na dalawang taon na pakikipaglaban sa leukemia.

Nabanggit din niyang ‘di na siya takot sa mga nagbabanta sa kanyang buhay.

May mga nagsa-suggest daw sa kanya actually na kumuha na rin ng bodyguards pero dasal daw ang panlaban niya.

Naniniwala rin ang broadcast journalist na kung itutumba ang isang tao, gagawin na lang ‘yun at wala nang magaganap na pagbabanta.

“Mga peke yung mga account ng mga nagte-threaten sa atin, death threats, kung ano mang klase ng threats. Most of the time po ay dini-dismiss lang po natin yun.

“Ang dahilan po para sa akin, katulad ng naririnig din natin sa iba, na if there’s someone who would like to harm you, e, hindi na po iyon magbibigay ng advance notice, ano, kung talagang tototohanin.

“Gaya rin po ng ibang mga tao, nag-iingat po tayo. Ginagawa po natin ang kaukulang pag-iingat para po sa atin at para sa ating pamilya.

“Para sa gayon po ay hindi tayo mabiktima ng ano mang physical harm. And most of all, hindi po tayo umaalis ng ating bahay na hindi po tayo nananalangin,” paliwanag ni Ka Tunying.

Show comments