Bilang isang paraan ng muling pagpapakilala sa sinaunang tradisyon ng pagmamarka sa balat ng tao, itatampok ni Kabayan Noli de Castro sa KBYN ang dalawang tattoo collector na sina Angelo Cruz at Angelie Pench, na ang mga katawan ay nababalot ng iba’t ibang disenyo. Bibigyang-diin din ni Angelo at Angelie ang kagandahan ng pagta-tattoo at bakit nga ba dapat mawala na ang diskriminasyon sa mga taong may tattoo na tulad nila.
Samantala, susundan din ng KBYN ang taga-Tondo na si Magdalena Maredo sa paghahanap ng tira-tirang pagkain sa mga fast food restaurant. Kolokyal na tinatawag na ‘pagpag’, ginagawa ito ng ilan sa ating mga Kababayan bilang pantawid-gutom. Pagkatapos kolektahin ang mga natirang pagkain, nililinis nila ito at niluluto muli, para kainin o ‘di kaya itinda para pagkakitaan.
Mapapanood ito ngayong Linggo, sa KBYN: Kaagapay ng Bayan, 5 p.m. sa A2Z, TeleRadyo, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, youtube.com/ABSCBNNews at news.abs-cbn.com/live.