Billy, may bagong show agad pagdating!
Bandang end of November ay darating na raw si Billy Crawford mula sa successful na pagsali niya sa Dancing with the Stars sa France.
Nakatsikahan namin ang ilang taga-Tropang LOL at sabi nga nila, babalik na raw sa taping nila si Billy sa first week of December.
Nakausap daw nila si Billy sa Viber nung mga unang linggo niya sa France, pero nitong malapit na ang finals ay hindi na raw ito sumasagot sa text nila.
Puspusan na raw kasi ang ensayo nito araw-araw na mahigit 12 hours a day.
Kaya ang laki ng ipinayat niya at nagkapaltos-paltos na raw ang paa nito Billy.
Nai-text pa niya noon sa boss nila sa Tropang LOL na si Ms. Pat-P Daza na nagkaroon pa raw siya ng injury na kung saan may napunit daw sa may bandang right groin area niya.
Abangan na lang natin ang pagdating ni Billy para ikuwento ang lahat ng mga karanasan niya sa Dancing with the Stars sa France.
Ang latest pang narinig namin, bukod sa The Wall na ginagawa niya sa GMA 7, meron pa siyang gagawing isang show sa naturang network.
Mel, bawal magpa-interview kay Korina
Hindi isyu kay Ms. Mel Tiangco kung sakaling interbyuhin siya ni Korina Sanchez-Roxas para sa programa nitong Korina Interviews sa Net 25.
Ang problema lang, hindi papayagan ang Kapuso newscaster at host ng Magpakailanman dahil sa exclusive contract nito sa GMA 7.
Isa ito sa tinanong namin kay Ma’am Mel nang nakatsikahan namin sa presscon ng 20th anniversary ng Magpakailanman. “You know ang problema diyan… yes number one ‘yun,” mabilis niyang sagot nang sinabi naming baka may conflict sa TV network. “’Di ba hindi naman ako puwedeng lumabas sa ibang network? They’re very strict. It’s in my contract. ‘Yun agad ang sasabihin ko sa kanya,” dagdag niyang pahayag.
Pati nga sa YouTube channel hindi rin puwede dahil nakasaad sa kontratang pinirmahan niya na hindi siya puwede sa ibang platforms outside GMA 7.
Wala naman daw problema sa kanila ni Korina kung magkainterbyuhan naman dahil wala naman daw talagang isyu.
Parang kagaya rin ng kay Karen Davila na ikinatuwa ng lahat na okay naman pala ang dalawa. “You know, there never was anything with me…, there was never anything my dear. I don’t know where that come from,” bulalas ni Ma’am Mel.
Okay raw talaga sila ni Korina, na sa katunayan masaya raw silang nagkatsikahan nang magkita sila sa Rome, ilang taon nang nakaraan.
“Nagkita kami sa Rome, oo. Ang layo niya, tumatakbo siya sa akin.
“Sabi niya, ‘Mama Mel! Mama Mel!’ Mama Mel ang tawag niya sa akin. Lumapit pa siya,” dagdag niyang kuwento.
Nagkaroon lang daw kasi ng isyu nung umalis siya noon sa ABS-CBN 2. “Kung minsan nga ‘yun ang sinasabi ko sa inyo may mga negative na ako mismo nagugulat, ganito pala.
“Ako mismo nagugulat. Katulad nung kay Mike (Enriquez), saan nanggagaling ‘yun?,” sabi pa ni Mel.
Napapansin na talaga ngayon ang Korina Interviews sa Net 25 dahil sa maganda ang line-up ng mga ini-interview niya. Ngayong hapon ay may nakakaaliw siyang panayam sa magkapatid na DSWD Secretary Erwin Tulfo at si Sen. Raffy Tulfo.
Bukod sa Korina Interviews ay may bago na namang talk show na mismong si Korina rin ang nag-produce. Ibang klaseng talk show naman ito kasama niya sina Pat-P Daza, Kakai Bautista, Alex Calleja at G3 San Pedro. Magsisimula na ito sa Dec. 3, Saturday ng 8 ng gabi sa One PH at TV5, pati sa Radyo 5, OnePH News, Cignal TV at Cignal Play.
- Latest