Kami naman ay umaaming nagugustuhan din namin ang palabas ng mga Koreano.
May panahong talagang naghanap kami ng kopya at ilang ulit naming pinanood ang pelikula nilang Taegukgi, isang war picture kung saan sinasabing kinopya ng mga kano at siyang basehan ng pelikula nilang Saving Private Ryan.
Nakabili tuloy kami ng isang maliit na portable television noon na madadala namin kahit na saan dahil ayaw naming mapalagapas ang seryeng Jewel in the Palace na nagustuhan namin ang kuwento, at totoong gandang-ganda kami sa bidang si Lee Young Ae, na mas nakilala sa pangalan ng kanyang character na si Jang Geum.
Natuwa rin kami sa performance ng singer-songwriter, at actor na si Rain, doon sa comedy series nilang Full House. Hinanap pa namin ang video ng concert ni Rain, matapos niyang mapuno ang Madison Square Garden. Siya ang unang Asyano na nag-concert doon at napuno niya ng mga fans niyang kano. Nakita namin iyon at hindi namin sila masisi, mas magaling si Rain kaysa sa kanong si Usher.
Ilan lang iyan sa mga palabas ng mga Koreano na nagustuhan namin, pero naniniwala kaming dapat na magkaroon ng limitasyon, hindi lang panooring Koreano kundi maging ang sa iba pa, na talamak na inilalabas sa telebisyon sa Pilipinas.
Aba’y mahirap ang buhay ngayon, at iyang mga palabas na iyan, kabilang na rin ang foreign acts, o ang mga dumadayong entertainers dito sa ating bansa, hindi lang dahil nawawalan ng trabaho ang mga artistang Pilipino.
Iyan ay nagiging dahilan din ng depletion ng ating dollar reserves. Mas bumababa ang dollar reserves natin, mas titindi ang inflation. Eh ano ibinabayad natin sa mga Koreano at iba pang dayuhan? Hindi ba dolyar?
Janella, mas napuri
Natawa kami sa kuwentuhan ng ilang mga reporter na kasama namin, dahil sa kuwento nila, believe na believe sila sa acting ni Janella Salvador na lumabas na babaing ahas sa isang teleserye. Napakagaling daw ng performance niya ng character na nilikha ni Mars Ravelo.
Nang tanungin namin sila tungkol sa bida sa nasabing serye, malutong ang tawanan nila dahil ang sabi “ayun hindi naman nakalipad”. Naalala lang naming sila rin ang panay ang puri sa starlet na hindi makalipad nang mag-presscon ang serye.
“Eh hindi pa naman namin napapanood noon eh. Naniwala kami sa press release nila. Noong ilabas na, hindi naniwala ang mga tao kahit panay pambobola na sa social media na magaling siya,” sabi pa nila.
Kaya ayun, mas napupuri at lumutang ang acting ni Janella.
Hindi naman siguro masasabing ang talino sa acting ay namamana. Walang basehan na iyan ay hereditary, kaya nga pinag-aaralan. Kaya mayroong mga workshop. Pero hindi lahat ng nag-workshop humusay sa pag-arte. Marami namang magagaling dahil sinasabing galing sila sa pamilya ng magagaling na artista, at ganoon nga si Janella.
Talent manager, nagkapera sa pagma-match!
Sikat ang bading na talent manager. Hindi man masasabing sikat ang kanyang mga alaga, hindi maikakailang kabilang ang mga iyon sa pinaka magaganda at pinaka-guwapong mga talent. Kaya halos kopo nila ang commercial endorsements.
Pero mapapansin din, iba ang lifestyle at mukhang napakayaman na ng bading na talent manager. Hindi pala siya yumaman sa pagiging talent manager. Mas malaki ang kita niya sa kanyang sideline bilang “match maker”. Marami siyang kilalang mayayamang negosyante na interesado sa “girls” niya. Marami rin naman siyang kaibigang negosyante, kabilang na rin ang ilang bading na politicians na tinatawagan siya para sa “boys” niya. Iyon pala ang sikreto.