KathNiel, hirap sa love story!
Noong Biyernes ay nagwakas na ang seryeng 2 Good 2 Be True na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Sa rami ng pinagtambalang proyekto ng KathNiel sa nakalipas na isang dekada ay patuloy pa ring pinakikilig ang kanilang mga tagahanga. “If you talk about kilig, nararamdaman naman iyan lagi kapag bago mong kakilala ang tao. Kumbaga ayun ang pinakamasarap na moments ninyo, bago eh. Mga tinginan n’yo the best kasi bago. Pero kapag ginagawa mo na siya on screen and off screen pa for 11 years, maturity na ang kilig na tinatawag natin. Iba na rin ‘di ba, kilig lang mas nagiging complex na masyado kasi ang tagal na naming ginagawa,” makahulugang pahayag ni Daniel.
Para naman kay Kathryn ay hindi talaga madaling gawin na magpakilig ng mga manonood. Kahit magkasintahan sina Kathryn at Daniel sa tunay na buhay ay nahihirapan pa rin ang dalawa na pakiligin ang mga tagahanga ng kanilang tambalan. “Akala nila kapag love story ‘yon ang pinakamadali, pero hindi. Ang hirap-hirap magpakilig and happy lang kami kasi tinanggap talaga ‘to ng lahat ng tao. Hindi namin alam kung ang next namin na tatanggapin, ang hirap din kasi timplahin eh. Pero siguro nakuha ang timpla ng lahat dahil ‘yung character ni Aly and Eloy, pumasok na sa amin,” pagtatapat ni Kathryn.
Kung mayroong pagkakataon ay kinakausap pa umano nina Kathryn at Daniel ang direktor ng serye na si May Cruz-Alviar upang mas mapaganda ang mga eksenang ginagawa. “Hindi nagsasawang makinig sa amin si Direk whenever we feel uncomfortable we talk to her. Makikita mo nagpupulong-pulong na sa system. Then dini-discuss na kung how to revise it and how to make it more Aly and Eloy as Kath and DJ. ‘Yon very important na maging hands-on sa gano’ng mga bagay. Kasi if not, na hindi kami comfortable and pipilitin lang, for sure mararamdaman n’yo ‘yon. Kasi ang tatalino talaga ng mga audience ngayon,” paliwanag ng aktres.
Paolo, pinalitan si JC
Isa ang Mamasapano: Now It Can Told sa mga opisyal na kalahok sa Metro Manila Film Festival 2022 ngayong Kapaskuhan. Kabilang sa naturang pelikula si Paolo Gumabao na gumaganap bilang si Supt. Raymond Train. Ayon kay Paolo ay si JC de Vera dapat ang kasama sa proyekto pero hindi natuloy dahil nagkasakit ang aktor. “Ang ganda ng role and they’re about to shoot in two days, so tatanggi pa ba ako? Nagka-COVID si JC at hindi niya naman din ‘yon ginusto. It’s an action movie and even as a young boy, dream ko talagang gumawa ng action film,” nakangiting pahayag ni Paolo.
Kamakailan ay nakatanggap daw ng subpoena ang aktor dahil sa isa nitong TikTok video. Nakasuhan si Paolo dahil sa pagsasayaw na suot ang uniporme ng PNP o Philippine National Police. “We were all surprised because we have permission to use them. Ang reklamo sa akin, nagsayaw daw ako sa TikTok wearing the uniform. Ako naman, no offense meant at all. But it’s a lesson learned for me at ‘di na mauulit. Buti na lang the case didn’t prosper,” pagtatapos ng binata.
(Reports from JCC)
- Latest