Ritz, tinatrabaho na ang pagbubuntis
Ang saya ni Ritz Azul nang nakatsikahan namin sa nakaraang presscon ng Mamasapano: Now It Can Be Told, na entry ng Borracho Films sa darating na Metro Manila Film Festival.
Nami-miss daw niya talaga ang trabaho sa showbiz. Kaya nagpapasalamat din siya sa kanyang asawang si Allan Guy dahil pinayagan siyang mag-artista pa rin.
Pero si Ritz na rin ang nag-decide para sa sarili na may limitations na siya dahil iba na ngayong may asawa na siya.
“Almost the same lang naman as before. Pero ngayon naman, siguro mas detailed lang kung ano mga limitations, and siyempre may asawa na rin. ‘Yung nagmi-meet kami halfway kung ano kailangang ibigay ng isang karakter at ‘yung kung hindi kayang tanggapin. Mga ganun ba.
“Siyempre mahirap na dahil may asawa na tayo, hindi na sariling desisyon lang. Partner din siya sa lahat ng desisyon ko.
“Kasi, siguro pa-graduate na tayo dapat unti-unti sa tulad ng mga dating roles ko. I think, time na rin naman,” pahayag ni Ritz nang kinumusta namin ang buhay may-asawa.
Sa Nov. 20 ay isang taong kasal na sila ng kanyang asawa, at nakatakda nga silang mag-celebrate sa Europe.
Masasabing nasa adjustment pa rin daw siya sa buhay may-asawa dahil naninibago raw siya para sa kanyang sarili.
“Siguro ‘yung adjustment ko sa sarili ko na siyempre, bawas na ‘yung trabaho. Nagpu-focus kami ngayon sa personal lives namin. At siyempre, sanay ako na kasama ko palagi ang pamilya ko.
“First ko kasi talaga e. Ang asawa ko, hindi ako nagkaroon ng boyfriend na iba.
“So, laking adjustment din. Thankfully, suportado niya lahat na gusto ko, lalo na ‘yung family ko.
“’Yun lang. Minsan nagkakaproblema ako sa pamilya ko na nami-miss ko ang pamilya ko, mga ganung bagay. E sa Pampanga pa sila. Hinahati ko pa ang schedule ko kung kailan ako pupunta ng Pampanga,” napapangiting pahayag ni Ritz.
May pangako si Atty. Ferdie Topacio ng isa pang pelikulang pagbibidahan ni Ritz, pero depende raw ‘yun kung hindi pa siya buntis. Tinatrabaho na rin daw kasi nila na magka-baby na sila.
Handa na rin mabuntis si Ritz.
“Medyo trying na rin e. Kung dumating, e di salamat. Kung hindi pa, try pa rin,” saad ni Ritz na gaganap bilang isang reporter sa Mamasapano: Now It Can Be Told.
Urian at Eddys, tuloy ang pamimigay ng mga award
Bago mag-Metro Manila Film Festival, humabol muna ang ilang award-giving bodies na mamahagi ng parangal sa mga pelikulang ipinalabas nung nakaraang taon.
Sa Nov. 17 na ang Gawad Urian Awards na gaganapin sa Cine Adarna sa University of the Philippines, at ngayon pa lang ay may mga naririnig na kami kung sino ang malakas na magwagi. Pero mabuting abangan na lang daw sa araw na ‘yun.
Ang isa pang nasagap namin, ang malakas sa Urian ay mukhang ganun din sa EDDYS ng grupong Society of Philippine Entertainment Editors o SPEEd.
Naglabas na sila ng talaan ng mga nominado, dahil sa Nov. 27 naman ang kanilang awards night na gaganapin sa Metropolitan Theater.
Kahapon lang ay inilabas na ang nominees sa 5th EDDYS pagkatapos ng masusing pag-review sa mga pelikulang ipinalabas nung nakaraang taon.
Magbibigay pugay rin ang EDDYS sa icons ng Pelikulang Pilipino.
- Latest