Matagal nang pinag-usapan ang pagkatanggal kay Keempee de Leon sa Eat Bulaga, at nung tinatanong siya tungkol dito ramdam mong nandiyan pa rin ang tampo o sama nang loob sa nangyari, na hindi naman maiwasan dahil 14 years din siya sa naturang noontime show.
Nang nakapanayam namin si Kempee sa DZRH nung nakaraang Lunes para sa promo ng pelikula niyang Mahal Kita Beksman, maayos na itong napag-usapan na walang hinanakit. Nakapag-move on na siya. Pero inamin niyang talagang dumaan siya sa matinding depression.
“’Yun siguro ang pinaka-major na depression ko na pinagdaanan.
“I guess in my part parang ang hirap lang kasi 14 years kang nandun tapos parang isang iglap, bigla na lang nawala. So, parang na-trauma ako.
“So, two years nagkulong ako sa bahay, walang gupit, walang ahit. Talagang kaiisip, wala akong kinausap.
“Itsura ko nun akala mo ermitanyo ako, napahaba ko talaga ang balbas nang mahaba. Wala akong kinausap. Although may mga pinagsabihan ako, nag-reach out ako pero parang hindi ka rin natulungan. So, might as well leave them alone. So, ako na lang kumbaga, ako na lang nakipagsapalaran sa sarili ko,” pag-alala niya.
Dumating pa raw sa puntong, isang araw ay pumasok pa raw siya ng Eat Bulaga at nakalimutan niyang hindi na pala siya kasali.
“One time, bumangon ako nang maaga, pumunta ako ng Broadway, pumasok ako. Tapos sinabi ng security, ‘o sir, bakit po kayo nandito? Papasok na. ‘Di ba wala na kayo dun sa show.
“Sabi ko, oo nga pala no. So, ‘yung iba nakita rin ako, mga TC, ‘o kuya, may tawag ka ba? Ano ba ang sabi? Lahat sila hindi na nila alam kung ano ‘yung sasabihin sa akin. Ay oo, naalala ko nga, sabi ko, sige sorry, sorry.
“So, nung umuwi ako dun ko na-realize parang nasanay ‘yung body clock ko.
“So, well okay na rin. I tried to talk to everybody naman. Ayaw ko na lang magsabi ng pangalan. Pero, at least I tried,” napapangiting kuwento pa ni Keempee.
Malaking bagay raw ang dasal, na dun daw talaga siya kumapit, at nagawa niyang bumangon na walang hiningan ng tulong, kundi ang Panginoon lang.
“Awa ng Diyos, nagpapasalamat talaga ako sa Diyos na hindi tayo napabayaan, ‘yung iba ‘di ba nagsu-suicide, patiwakal. Parang… ako nandiyan pa rin, may nakakausap pa rin ako, mga kaibigan ko.”
Okay naman daw sila ng Daddy niya. Binati raw niya nung nakaraang birthday ni Joey de Leon, pero hindi pa raw sila nagkikita dahil nag-iingat pa rin daw sila kahit medyo lumuwag na restrictions sa pandemic.
“Hindi pa rin kami nagkikita, dahil alam mo naman si Daddy takot din naman lumabas ‘yun at saka nung birthday niya, siyempre may kasama sila sa bahay na apo niya na maliit. So, mahirap pa ‘yung manggagaling pa sa labas,” dagdag niyang pahayag.
Masaya naman siya na nakakabalik na siya. Katatapos lang niya ng 2 Good 2 Be True, at itong pelikula nga niya sa Viva na pinu-promote niya, ang Mahal Kita, Beksman kasama si Christian Bables na magsu-showing na sa mga sinehan sa Nov. 16.
Elijah, nagpaahit nang magpakita ng puwet
Napagod kami nang bonggang-bongga sa pelikulang Livescream ni direk Perci Intalan na pinagbidahan ni Elijah Canlas.
Curious kami kung paano na-execute ang butt exposure ni Elijah sa isang eksenang kahit nakahubad siya, hindi ka mag-iinit sa eksenang ‘yun kundi manghihina ka sa mga pahirap na pinagdaanan niya.
Pero ngayon lang daw niya na-experience ang mag-plaster nang kinunan ang eksenang ‘yun. Nahirapan daw siya.
“I had to shave nang sobra, intensively. Tapos, ‘yung pagtanggal, ‘yun po ang masakit pala.
“Ngayon ko lang natutunan ‘yung mga ganyan. Si Direk Perci naman, super kind, and he briefed me.
“Okay, dalawang araw lang may plaster. Tapos biglang the next day, biglang may naisipan siguro si direk na idagdag na shot, sabi niya, ‘Elijah, tomorrow, mag-plaster ka ulit,’” himutok ni Elijah.
Pero pagkatapos niyang napanood ang kabuuan ng pelikula, sobrang tuwa niya at sulit naman daw ang hirap.
Ang isa pa ngang concern niya ay baka makita pa raw ang balat niya sa bandang puwet, na hindi naman naaninag dahil maliit lang pala ang balat na ‘yun.
Minsan nga naisip pa raw niyang okay lang sa kanya mag-frontal nudity para hindi lang makita ang balat niya sa puwet, pero nagawan naman ng paraan at bongga naman ang papuwet ni Elijah sa pelikulang ‘yun.
Ngayong araw na magsisimula ang streaming ng pelikulang Livescream sa Vivamax Plus.