Mistulang “Solid North” ang kinatigan sa paggandahan ng Manila Broadcasting Company kung saan nagtagumpay ang mga dilag mula Baguio, Nueva Ecija, at Ilocos Norte sa paghahanap ng 2022 Aliwan Fiesta Digital Queen.
Nakamit ng 25-anyos na tubong Itogon, Benguet na si Marikit Manaois ang titulo ma mahigpit na ipinaglaban rin nina Maica Martinez ng Cabanatuan at Sophia Noreen Guillermo ng Dingras, na tinanghan namang first at second runner-up.
Naiuwi rin ni Manaois, na nagtapos ng kursong human resource development sa St. Louis University, ang parangal bilang Miss Charm at Palmolive Gandang Natural, bagaman hinakot ni Martinez na graduate ng broadcast communication sa University of the Philippines ang Netizens’ Choice, Best in Talent, Miss White Rose Papaya, gayundin ang pagwawagi sa Best Digital Video Production, at Pride of Place citation para sa kanyang isinumiteng obra na naglalarawan sa buhay ng mga magsasaka sa kanyang lalawigan.
Hinirang naman bilang Best in Evening Gown si Jackelaine Fleming ng Cebu, at Miss Unique Smile naman si Nikki Shannen Ortega ng Davao.
Umupo bilang mga hurado ng 2022 Aliwan Fiesta Digital Queen sina Deo Macalma ng DZRH, Tristan Harvey Francisco ng The Philippine Pageantry, 2021 Miss Aura International Alexandra Faith Garcia, ang batikang artista sa pelikula/telebisyon/entablado na si Ana Abad Santos, kasama sina Allen Yotoko ng ACS Media Agency, at Edzel Ty ng Tanduay.