Jem, nagpapakilig sa EDSA; Kanishia, inilabas ang Born to Cry
MANILA, Philippines — Puno ng pag-ibig ang dating PBB Otso housemate na si Jem Macatuno sa bago niyang single na EDSA. Tampok sa love song na prinodyus ni Star Pop label head Rox Santos ang kwento ng isang nagmamahal na handang maipit sa trapik sa EDSA basta’t kasama ang taong minamahal.
Nakilala si Jem sa mga kantang LDR, Kung Akin Ang Mundo, at ang debut single niyang Can’t Get Out na humakot na ng mahigit 20 million streams sa Spotify.
Samantala, mga personal na hugot at iba’t ibang life lessons ang ibinuhos ng up-and-coming singer na si Kanishia Santos sa kanyang debut extended play (EP) na Born to Cry.
Naglalaman ng anim na kanta ang Born to Cry a ipinrodyus din ng Star Pop.
Pinangungunahan ito ng key track na Here I Am Now na tungkol sa pagpapahalaga sa kasalukuyang oportunidad imbes na magpalamon sa mga pagsisisi ng nakaraan.
“You may say I’m a dreamer. Had to get it wrong to know just what I like,” saad ni Kanishia sa kanyang awitin na siya mismo ang sumulat katulong si Rox na siya namang naglapat ng musika rito.
May mensahe naman ang opening track na Breakaway na maging malaya at gawin ang gusto sa buhay kahit hindi ito ang nakasanayan. Ni-release ito ni Kanishia noong Hunyo bilang patikim sa kanyang mini-album.
Nais naman niyang ipaalala sa acoustic ballad na Carry On na gawin sandigan at lakas ang mga malalapit na tao upang magpatuloy sa buhay. Sumasalamin naman ang Days sa pighating dala ng paglisan ng mahal sa buhay at sa daan patungo sa paghilom ng mga sugat na iniwan nito.
Ilan pa sa awiting bahagi ng Born To Cry ang Knew It Was Coming na tungkol sa pilit na paghahanap sa kabutihan ng isang tao kahit pa maraming warning signs na ang lumilitaw.
Sa panghuling kanta na Smile nais ibahagi ni Kanishia ang mensahe na panatilihin ang positibong perspektibo sa buhay anumang problema ang dumating.
- Latest