Beauty Gonzalez viral sa banat vs pulitikong 'party boy' sa teleserye

Kuha kay Beauty Gonzales (Violet) habang kasagutan ang karakter ni Rafael Rosell (Julian) sa Kapuso seryeng "Mano Po Legacy: The Flower Sisters."
Video grab mula sa Youtube channel ng GMA Network

MANILA, Philippines — Usap-usapan sa social media ang pagganap ni Beauty Gonzalez sa GMA seryeng "Mano Po Legacy: The Flower Sisters" — maaanghang kasi ang linya niya laban sa isang karakter na planong kumandidato kahit "hindi grumaduate dahil sa kaka-party."

Biro tuloy nang marami, tila totoong pulitiko sa Pilipinas ang pinariringgan ng script.

Sa episode 1 kasi nitong Lunes, humihingi ng P40 milyon ang karakter ni Rafael Rosell (Julian) sa misis na si Beauty (Violet) para tumakbo sa pulitika. Ang problema, walang bilib si Violet kay Julian.

"[Y]ou don't know anything! Anong alam mo sa pagpapatakbo ng probinsya o 'di kaya small town? Wala kang experience!"

"'Ni hindi ka nga nakapagtapos ng college dahil wala ka nang inatupag kundi mag-party."

Galing sa isang political family (dynasty) ang karakter ni Rafael, na siyang karaniwang pinanggagalingan ng mga tumatakbo sa eleksyon sa Pilipinas.

"Hon, lahat natutunan. Hindi mo kailangan ng diploma para maglingkod sa bayan," tugon ni "Julian" sa palabas.

"Ang kailangan mo lang ay sincerity, dignity at integrity."

Sounds familiar?

Marami ang pumalakpak sa linyahan nina Beauty at Rafael.

"Beauty spitting facts and choose [violence]. May kilala rin kaming ganyan," wika ng Facebook page na Philipinks nitong Martes.

"Art imitates life ika nga nila," sabi naman ng netizen na si Carla Sta. Cruz sa comments section.

Masyado naman daw itong "direct hit," pansin naman ng FB user na si Loren Rodriguez.

Show comments