Charo Santos-Concio, bibigyang-pugay sa bagong edisyon ng Sagip Pelikula Spotlight
Patuloy ang Sagip Pelikula sa pagbibigay-pugay sa mga natatanging indibidwal sa pelikulang Pilipino, at sa bagong edisyon ng Spotlight series nito kikilalanin ang mga naging kontribusyon ng premyadong aktres at producer na si Charo Santos-Concio.
Tampok dito ang pagpapalabas ng digitally-restored version ng kanyang comedy classic na My Juan En Only sa KTX.ph, na pinagbidahan din ng King of Comedy na si Dolphy kasama sina Panchito, Babalu, Paquito Diaz, Bibeth Orteza, at iba pa.
Iikot ang istorya nito sa negosyanteng si Juan (Dolphy) na kilala sa kanilang probinsya sa pagiging mapagbigay at matulungin sa kapwa. Pero, nabihag naman ang kanyang ginintuang-puso nang malaglag ang kanyang loob kay Akang (Charo).
Ngunit sa kanilang matamis na pag-iibigan, hahadlang naman bigla ang ilan sa kanyang mga kapatid sa siyudad na subukang sirain ang kanilang relasyon para sa kanyang kayamanan.
Maliban din sa pagkilala sa kanyang mga nagawa sa industriya bilang aktres at producer, isa rin siya sa mga tao sa likod ng pagkakabuo ng ABS-CBN Film Restoration na naglalayong i-restore at pagandahin ang mga natatanging klasiko para sa mga susunod na henerasyon ng manonood.
Aniya sa kanyang panayam kasama ang Film Restoration head na si Leo Katigbak, nais niyang bigyang-buhay ang mga pelikula noon para maipakita sa publiko kung paano nito sinasalamin ang kultura, at estado ng buhay ng bawat Pilipino sa iba’t ibang panahon.
Mapapanood ngayon ang family-romance comedy classic nina Charo at Dolphy na My Juan En Only, na may kasamang pre-show interview kasama si Charo, sa KTX.ph.
Mabibili na ang tickets nito sa https://bit.ly/MyJuanOnKTX sa halagang P150. Maliban sa My Juan En Only, matutunghayan din ng mga manonood ngayon sa KTX ang ilan pa sa mga restored films ni Charo, tulad ng mga pelikulang pinagbidahan niya na Esperanza: The Movie, Maalaala Mo Kaya: The Movie, Kapag Langit ang Humatol, Tisoy! at Kakabakaba Ka Ba? pati ilan sa kanyang co-produced classics tulad ng Himala, Oro, Plata, Mata, Soltero, Misteryo sa Tuwa, Nagsimula sa Puso, at Hindi Nahahati ang Langit.
- Latest