Pulitiko, singer, mga artista, nagluluksa sa pagpanaw ni Danny Javier

Ryan, Judy Ann at APO
STAR/ File

Nagluksa ang buong entertainment industry sa pagpanaw ng lead vocalist ng APO Hiking Society na si Danny Javier.

Napabalita na noon ang pagkakaroon ng sakit ni Danny kaya hindi na siya nagpi-perform.

Kapag naiimbitihan ang APO, madalas na sina Jim Paredes at Boboy Garrovillo ang dumadalo.

Sabi nga ni Boboy sa nakaraang mediacon ng bagong afternoon drama na Unica Hija, malabo  na raw na magkaroon sila ng reunion concert dahil madalas na nasa Australia si Jim, at si Danny ay maysakit bagamat sinabi pa ni Boboy na recovering na raw ito.

Pero tuluy-tuloy na ang paghina ni Danny at bumigay na siya nung nakaraang Lunes, Oct. 31.

Hindi na nabanggit kung ano talaga ang karamdaman niya, pero sinabi lang na komplikasyon sa matagal na niyang karamdaman.

Nag-trending kaagad nung Lunes ng gabi ang #DannyJavier sa rami ng mga mensaheng ipinost sa social media.

Mga veteran singer kagaya nina Zsa Zsa Padilla, Leah Navarro, Richard Merck, The Company at marami pa ang kaagad na nag-post ng kanilang magagandang mensahe para kay Danny.

Pati sa pulitika kagaya nina dating Speaker Tito Sotto, Sen. Bong Revilla, at Sen. Jinggoy Estrada ay nag-post din ng pakikiramay sa pamilyang naiwan nito.

Ang mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ay apektado rin.

Ang APO lang kasi ang gusto nilang mag-perform sa kanilang kasal nung April 28, 2009.

Sabi ni Juday sa kanyang IG post nung Lunes: “My dearest Tito Danny, I will never forget your hugs, your smile, your wisdom… how I nervously approached you to ask if APO could sing in our wedding day… suntok sa buwan ang ginawa namin… at buong puso niyo kaming pinagbigyan… tinupad niyo at hinigitan pa ang mga pangarap na ‘yun…

“Hindi natapos sa gabing ‘yun ang pagkakaibigan natin, nagkukumustahan pa rin tayo at nagkukuwentuhan paminsan minsan.

“Salamat Tito Danny… salamat sa pagkakataong ibinigay mo para makilala kita nang husto… nakakalungkot…mabigat… pero ngayon, tapos na ang paghihirap at sakit na dinaraanan mo.. oras nang magpahinga at maging maligaya sa langit… mahal ka namin…”

Sabi naman ni Ryan: “His voice  is one third of the very first song we danced to as husband and wife. His memory will be forever cherished.”

Touching din ang ipinost ng Presidente ng OPM o Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit na si Ogie Alcasid.

Aniya: “Napakarami kong alaala na ikaw ay hindi naging maramot sa pagbigay ng oras sa ­aming mga singer noong kami ay nagsisimula pa.

“Ang pagkakaalam ko pa nga ay ang OPM ay ikaw mismo ang nakaisip.

“Ilang beses din kami nagpunta sa inyong tahanan upang makipagsalo sa iyong pamilya. Ang aming mga noo’y maliliit na gigs ay iyong pinupuntahan para lang kami ay suportahan.

“Meron pa tayong nagawang kanta nag pinag-jamman. At sa inyong show sa Sa Linggo na Po sila at sang linggo na po sila, napakaraming pagkakataon na tayo ay ‘nakaprod.’ At siyempre noong naisapelikula ang inyong mga awitin at kami nina Gary, ZsaZsa, Uge, ang napi­ling gumanap na magulang sa musical na ito, magpahabang buhay na naitatak sa aming puso ang inyong legacy.”

FF ni Dingdong, tinatalo ang primetime shows

Pumapangalawa na sa Top 30 Programs ang Family Feud ni Dingdong Dantes.

Sa single channel pa lang ay mas natataasan pa nito ang rating ng mga primetime series, kahit ang malakas ding mga afternoon drama.

Sikat na rin kasi ang game show na ito hindi lang sa showbiz, kundi pati sa pulitika.

May ilang politicians kagaya ng League of City and Municipal ­Mayors na nagparating na raw ng mensahe na type rin nilang maglaro. Pati sports celebrities at narinig nga naming si Janine Tugonon ay wish din daw maglaro bago siya bumalik ng Amerika.

Kaya pati nga sa renewal ng kontrata ni Dingdong sa MESA, napapag-usapan pa ito. Nakakatuwa nga na nandiyan pa rin ang pagtitiwala ng MESA kay Dingdong bilang Brand Ambassador nila. Kaya nagkaroon sila ng signing of contract nung nakaraang linggo at kasabay na rin ay in-unveil ang giant billboard sa taas ng MESA headquarters na matatagpuan sa One Corporate Central sa Mandaluyong.

Bahagi ng campaign nila ay ma-target ang 100 branches nito.

Show comments