Kung iisipin mo, nakakagulat ang statement ni Daniel Padilla na mukhang sawa na siya sa roles niyang “paulit-ulit” na niyang ginagawa. Kasi nga karamihan sa ginagawa niya ay love stories, at laging silang dalawa ng syota niyang si Kathryn Bernardo ang magkasama.
Ngayon sinasabi niyang ang gusto naman niya ay naiibang role, at iyong hindi na niya iisipin kung kikita ba o hindi. Basta makagawa lang siya ng naiibang role.
Aywan kung napag-aralan ni Daniel ang kanyang sinasabi, o bugso lang iyon ng damdamin niya noong mga oras na ginagawa niya ang statement na iyon.
Hindi lang sa Pilipinas ganyan. Ganyan ang show business, kaya nga ang kasabihan “you are only good as your last movie.” Kasi kahit na anong galing mo, kung hindi naman kumikita ang pelikula mo, wala ka rin.
Sino ba susugal sa iyo kung hindi naman nila mababawi ang puhunan. Ang pelikula ay negosyo, ang show business ay industriya. Ibig sabihin ang mahalaga ay kumikita.
Kung sabagay mahirap mag-maintain ng ganoong career, dahil oras na bumaba ang kita ng pelikula mo, makakarinig ka na ng comments na “laos na iyan.” Pero sino ba ang hindi, kahit na superstar ka pa, kahit na ano pa ang title mo, oras na hindi na kumita ang pelikula mo, wala ka na.
Jennylyn, binabalik ang dating porma
Panay na raw ang exercise ngayon ni Jennylyn Mercado. Kailangan nga naman siyang makabalik sa dati niyang porma matapos niyang manganak, after all may career pa rin naman siyang babalikan. Kung iyon ngang talagang matagal nang laos nagpipilit pa rin eh. Kahit na magmukhang suman sa suot na makikipot na gown na hindi naman bagay. Kasi nga gusto pa rin nilang magkaroon ng career.
Si Jennylyn, may isang serye pang nakatengga at naghihintay na sa kanya.
Male starlet, binasura ang dating manager
“Sabi ko sa iyo yayabang iyan basta sumikat,” sabi ng isang talent manager tungkol sa isang male starlet na naging alaga rin niya noong araw.
Nang may makausap iyong ibang manager, basta sinabi na lang daw sa kanya na balewala na ang kanilang usapan kahit na may kontrata pa siyang pinirmahan dahil wala namang nangyari sa kanyang career.
Para raw binalewala ang pagod niya, iyong effort at gastos niya sa pictorials, mga damit at pagsisikap niyang maikuha iyon ng endorsements kahit na maliliit.