Ruffa, kinumpirma ang part 2 ng Maid... sa Hawaii!
Magkakaroon pala ng part two ang Maid in Malacañang!
Ito ang kinumpirma sa amin ni Ruffa Gutierrez sa grand launch ng mga produkto ng kanyang Gutz and Glow na ginanap sa Hilton Manila nung nakaraang Huwebes.
Hindi lang daw niya alam kung ito pa rin ang title, pero ang sinabi sa kanya ay magkaka-part two ang box-office hit ng Viva Films na Maid in Malacañang.
Wala pa raw siyang ideya kung saan tatakbo ang kuwento, basta ang schedule pa lang daw niya ang kinukuha. “Binigay na sa akin ‘yung schedule pero wala pang nakalagay na title. Basta sinabi lang sa akin na if I’m free starting mid-November. Siyempre sinabi ko go!,” pakli ni Ruffa.
Posibleng magsu-shoot sila sa Hawaii, dahil naka-schedule raw pumunta roon si Ruffa kasama sina Cesar Montano at Diego Loyzaga na bahagi rin ng MIM. “Basta from November to December, meron akong shoot ng Maid in Malacañang ‘yung part two, and then I go to Hawaii, for ano rin ‘yun meet and greet… Hawaii, Maid in Malacañang,” medyo naalangan pang pahayag ni Ruffa.
Ang sabi, naka-schedule na raw ang showing nito sa February 2023.
Kung matutuloy ito, ito rin ang napiling playdate ng Oras de Peligro ni direk Joel Lamangan na tumatakbo ang kuwento sa nangyari nung 1986 EDSA People Power.
So, baka matinding bakbakan ito sa takilya kung magtatapat ang part two ng Maid in Malacañang at ng Oras de Peligro.
Samantala, thankful si Ruffa dahil sa magandang feedback sa itinayo nilang negosyo ng partner niya sa Gutz and Glow na si Ms. Maricor Flores.
Nung Huwebes lang nila pormal na inilunsad. Pero nung nagpa-presscon sila nung April, dumami na raw ang gustong mag-distribute ng mga produkto ng Gutz and Glow na mga Radiant Butt & Body Scrub, Disinfectant Hand Soap, luminous hand cream, Intimate Feminine wipes at Make-up Remover wipes.
Pagkatapos niyang mag-graduate ng kursong Mass Communications, tumuloy na siya sa Masters para na rin sa kanyang sinimulang negosyo.
Gold, ‘di makalimutan ang kabaitan ni Richard
Nagsimula nang mag-streaming ang pelikulang Selina’s Gold sa Vivamax tampok sina Jay Manalo, Angeli Khang at Gold Aceron.
Nag-promote sa radio program namin sa DZRH si Gold at naibahagi niya sa amin ang mga pinagdaanan niya nung nagsisimula pa lang siyang mag-artista.
Bata pa lang nagsimula si Gold, sa edad na siyam at una raw siyang isalang sa ilang teleserye. Hinding-hindi raw niya makakalimutan si Richard Gutierrez na napakabait daw sa kanya.
Maaga raw ang calltime niya, pero inabot na siya ng umaga kinabukasan sa paghihintay ng eksena niya.
Ani Gold: “Umaga po ang calltime ko mga 4 a.m. So, service. Pumunta po muna ako dun. Tapos siyempre bata pa, totoy pa, nanghingi po ng script. Meron daw akong lines. Eh, hindi pa po ako marunong umakting nun. Hindi po ako marunong magkabisado. Eksena po namin ni Kuya Richard Gutierrez.
“Pero morning pa lang po pagdating ko po sa location, hiningi ko na po ‘yung script. Hindi po nila ako pinapansin, as in wala talaga.
“So, madaling araw nakatulog na ako sa tent, inumaga na po ako, buong araw ako naghihintay sa script, binigay madaling araw na. Eksena ko na po.
“Siyempre, bata, bago pa lang umarte, mahaba pa po ‘yung lines, natakot ako.
“Naiba ‘yung mood ko. So, utal-utal na po. Mali-mali na po. Hindi ko na ma-deliver, nakakalimutan ko na po.
“Tapos napagalitan pa ako. Dun po ako natuwa, kasi ipinagtanggol ako ni Richard Gutierrez po.
Pinagsabihan daw ni Richard ang staff bakit ginanun si Gold.
- Latest