Christian, game maging ipis o tutubi

Christian Bables.

Maraming gay character na ang nagampanan ni Christian Bables sa pelikula at telebisyon. Ngayon ay muling magbibida ang aktor bilang bading sa pelikulang Mahal Kita Beksman. Mapapanood na ito sa mga sinehan simula November 16.

Nalilinya na raw talaga si Christian sa pagganap ng bakla sa mga proyekto. “Lagi po, may mga nagsasabi, ‘Ay! Si Christian Bables typecasted na.’ Although dumaan ako do’n sa phase na ‘yon na natakot ako na baka hindi na ako mabigyan ng mga ibang karakter na alam kong kaya ko pang gampanan. Pero habang nagma-mature ako dito sa industriya parang na-realize ko na there’s no such thing as typecasting pagdating sa mga aktor. For as long as binibigyan ka ng mga makabuluhang karakter na pwede kang makatulong through your craft. I think ‘yon ang main objective namin bilang mga actor. So kahit na ipis o tutubi pa ‘yang role na ‘yan, game lang,” paliwanag ni Christian.

Sinisiguro ng aktor sa manonood na ibang-iba ang kanyang bagong karakter kumpara sa kanyang ginampanan noon sa Die Beautiful, The Panti Sisters at Big Night. “Ang pinakamalaking pagkakaiba dahil ang sexual orientation ni Dali dito ay straight. He identifies himself as straight guy. ‘Yung kanyang expression ‘yon lang ‘yung parang wala do’n sa standards na nakaugalian ng society natin na kailangan ‘pag lalaki ka dapat ganito ka. ‘Pag you’re gay, ito ka dapat. So labas kasi do’n ‘yung karakter ni Dali kaya no’ng in-offer sa akin ito, ang sabi namin, ‘Ang ganda nito, gawin natin.’ Ang ganda ng script, ang ganda nang gustong iparating ng kwento,” paglalahad ng binata.

Masayang-masaya raw si Christian dahil palaging nabibigyan ng gay role.

Para sa aktor ay isang malaking karangalan na mapagkatiwalaan upang bigyang-buhay ang iba’t ibang karakter na bading. “Masaya ako kasi isang tao lang ang naiisip ko, si Tito Dolphy (na maraming gumanap bilang bakla sa pelikula at telebisyon). Parang before kung iniisip ko, nakakatuwa naman ‘yung nangyayari sa akin. Kasi pinagkakatiwalaan ako ng mga karakter na tingin daw ng mga taong gumagawa ng project na ‘yon na parang iilan lang kami na merong lakas ng loob, buong puso sa paggawa ng mga gano’ng karakter. I feel so honored na ako po ay isa sa pinagkakatiwalaan nila. I’m excited on what about to happen in the future. Kung saan ako dadalhin ng karerang ito,” pagtatapos ng award-winning actor.

Ian, naibahan na sa proseso ng action scenes

Mapapanood si Ian Vene­racion sa Amazon Prime Video series na One Good Day simula November 17. Hindi raw nagdalawang-isip ang aktor na tanggapin ang proyekto dahil aksyon ang tema nito. “No’ng pinitch sa akin na action, siyempre interesado agad ako kasi action. That’s my home court. I felt that I am comfortable because I love martial arts. I love guns and motorcycles and stuff na kailangan,” bungad ni Ian.

Matagal-tagal na ring hindi nakagawa ng action project ang aktor. Ayon kay Ian ay malaki na ang ipinagbago ng proseso sa paggawa ng action scenes ngayon. “Now we can do one whole scene with one flow. Dati kailangan ng helicopter, ngayon drone na lang pwede na. ang daming options even low light conditions. Ibang-iba talaga ngayon. We have to utilize that,” pagbabahagi niya.

Umaasa si Ian na makikilala rin ang mga gawang-Pinoy na aksyon ang tema sa iba’t ibang panig ng mundo.

Kasama ng aktor sa One Good Day sina Rabiya Mateo, Andrea Torres, Aljur Abrenica, Justin Cuyugan, Nicole Cordoves, Pepe Herrera, Robert Seña, Menchu Lauchengco-Yulo at marami pang iba. (Reports from JCC)

Show comments