Mula Perth, Australia ay lumipad na kahapon ang grupo ni Sharon Cuneta pa-Sydney.
Nasa bansang ‘yon ang Megastar dahil sa kanyang Love, Sharon Australia Tour 2022. Dapat ay noong April 2020 pa ‘yon, pero naapektuhan sila ng COVID-19 pandemic.
Anyway, mag-aabot sa Sydney si Sharon at ang ex-husband niyang si Gabby Concepcion na may mga show rin sa iba’t ibang lugar ng Australia.
Katatapos lang ni Gabby ng Passion & Fashion 2022 ng Mrs. Universe-Australia ni Ms. Marites Novis kung saan nakasama niya sina Ruffa Gutierrez at Raymond Gutierrez (umalis na ang mga ito ng Sydney kahapon kasama ang nanay nilang si Annabelle Rama).
Nang i-check namin, sabi ng isang malapit sa Kapuso actor, hanggang sa Wednesday pa ito sa Sydney, kaya posible kayang magkita sila ng kanyang ex-wife?
Ayon sa isang malapit mismo kay Sharon, wala raw problema sa pagitan ng mag-ex at sa katunayan ay nakakapag-message paminsan-minsan ang parents ni KC Concepcion.
Kung sakali raw, hindi naman magkakaroon ng issue kung magkita nga sa Sydney sina Sharon at Gabby dahil nandoroon din naman ang mister ng una, si Francis “Kiko” Pangilinan at mga anak nila.
Sabi pa ng source ko, “Kaya nga sana, eh, magkita-kita sila. Nag-uusap na naman sina Sharon at Gabby. May plans na nga for a show na kasama si KC, ‘di ba?!”
Wow, bongga naman kung magkakaroon nga ng concert tour sina Sharon, Gabby at KC, huh!
Ang chikang nakarating pa sa amin, si Nancy Yang na promoter ng shows sa Amerika at kilalang miyembro ng Team Sharon ay nakipag-usap na rin sa manager ni Gabby na si Popoy Caritativo para sa concert tour na ‘yon.
May isang project pa raw na pinu-push para kina Sharon at Gabby at kung hindi kami nagkakamali ay ‘yung movie ‘yon ng Star Cinema na matagal nang naudlot.
Well, sana nga matuloy at sana rin magkita nga ang dalawa sa Sydney, huh!
Bongga!
Mga dating empleyado ng ABS-CBN, nasa ALLTV na rin
Marami sa staff ng Toni reality-talk show ni Toni Gonzaga sa AllTV ang galing sa ABS-CBN at naka-work na rin ng TV host-actress.
Nang mawalan ng franchise ang Kapamilya Network, marami rin ang nawalan ng trabaho, kaya naman sa pagkakaroon ng AllTV, marami sa kanila ang nakapag-apply at nabigyan ng trabaho.
Sabi ni Toni, marami ang nag-apply sa production company ng mister niyang si Paul Soriano na siyang nagpo-produce ng Toni reality-talk show niya at okey naman sa job interview na ginawa nila, kaya kinuha nila. Hindi lang naman daw mga galing sa ABS-CBN, marami rin daw na bagong graduate.
Anyway, ‘yung talent coordinator na kumontak sa amin dahil gustong kuning mag-guest sa reality-talk show ni Toni ang isang power couple na malapit sa amin ay dating taga-Kapamilya Network at ngayon nga ay nasa production company na ni Paul.
Ang ibang mga dating taga-ABS-CBN naman, nagtatrabaho na sa AllTV mismo.
‘Yung head nga ng talk division ng TV network ng pamilya Villar ay dating taga-Kapamilya Network din.
At least, sa pagkakaroon ng AllTV, ‘yung mga nawalan ng trabaho nang hindi ma-renew ang franchise nila ay may work ngayon dahil sa mga Villar, pati sa mag-asawang Toni at Paul.
Anyway, sa mga nagtatanong about Toni reality-talk show, tuwing 5:00-6:00 p.m. ‘yon sa AllTV Channel 2, Monday to Friday.
‘Yun na!